Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kasambahay sinaksak ng binasted na suitor

0 87

Matapos bastedin, pinasok sa bahay at tinangkang patayin ang isang 36-anyos na katulong ng kanyang masugid na manliligaw sa Alfonso, Cavite, Lunes ng gabi.

Putik-putik pa ang mga damit matapos na magpagulong-gulong upang makatakas ang suspek na si Mike Jade Sablayan, 30, dahil sa reklamo ni Christina Valenzuela, isang stay-in na katulong sa Brgy. Poblacion 1, Alfonso.

Sa ulat ni P/SMSgt. Dante Baje ng Alfonso Police Station, dakong alas-11:20 kamakalawa ng gabi, nang pinasok ng suspek ang tinutuluyang bahay ng biktima sa pamamagitan ng pag-akyat ng puno sa likurang bahagi ng bahay. Nakapasok ang salarin sa kuwarto ng huli.

Pero nagsisigaw si Valenzuela kaya tinangka siyang saksakin ni Sablayan subalit daplis lamang ang tama, saka tumakas ang huli sa likurang bahagi ng bahay.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ayon kay Baje, nagpa­gulong-gulong sa putikan at dumaan pa sa sapa ang suspek para lamang makatakas subalit naaresto rin sa isinagawang follow-up operation ng Alfonso Police.

Teorya rin ng sarhento na planong halayin ng suspek ang biktima.

“Matagal nang nanliligaw ‘yong lalaki sa babae kaya lang binasted niya dahil ayaw daw ng babae ng mas bata sa kanya,” ayon kay Baje.

Kasong attempted homicide at trespass to dwelling ang kinakaharap ng suspek. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.