Abante Tonite Interactive

Kasaysayan ng chop-chop lady sa Quezon City

Part 2

0 510

Sa mga unang taon ng pagsasama nina Orlando at Heide bilang mag-asawa, ipinakita nila sa isa’t isa ang matibay at wagas nilang pagmamahalan at ang munti nilang hindi pagkakaunawaan ay kaagad nalulutas at na­hahalinhan ng pagbibigayan at pagrespeto sa bawa’t isa.

Halos gabi-gabi nilang binabalangkas ang kanilang plano para sa magandang buhay at kinabukasan kasama ang kanilang mga magiging anak.

Subalit habang lumalaon, unti-unting nakakaramdam ng pagkainip si Orlando sa pagkakaroon nila ng anak ng asawa kaya’t ang dati ng pagpapakita ng labis na pagmamahal ng lalaki sa kanyang misis ay unti-unting nababawasan dahil sa kakulangan para mabuo ang isang pamilya.

Hanggang sa dumating ang panahon na kapwa sila magpasiyang magpasuri sa manggagamot upang alamin ang dahilan kung bakit hindi sila binibiyayaan maski isang supling­.

Nang lumabas ang resulta ng pagsusuri, dito na natuklasan ng mag-asawa ang dahilan kung bakit hindi sila magkaroon ng kahit isang anak.
Nakita ng mga doctor na may myoma sa matris si Heide at kailanman ay hindi na siya magkakaroon ng pagkakataong mabiyayaan ng anak na naging daan upang labis na manlumo ang mag-asawa.

Ang dating maayos nilang pagsasama ay unti-unting nagkalamat lalo na kapag nagkakaroon sila ng hindi pagkakaunawaan kahit sa maliliit na bagay lamang.

Related Posts

Naging kapuna-puna rin ang pagiging mainitin ng ulo ni Orlando na lagi namang inuunawa ng kanyang asawa lalo na’t batid ng babae na nangungulila ang asawa sa pagkakaroon nila ng supling.

Habang tumatagal, napapadalas ang pagkakaroon nila ng hindi pagkakaunawaan na kadalasan ay nauuwi sa mainitang pagtatalo.

Bagama’t pinipilit ni Heide na unawain ang asawa lalo na’t batid niya na sa kanilang dalawa ay siya ang may pisikal na pagkukulang, hangga’t natitiis ay pilit pa rin niyang inuunawa ang asawa.

Nang lumaon ay napuna na rin ng ka­nilang mga kapitbahay ang pagiging magulo ng kanilang pagsasama na dati’y puno ng pagmamahalan at pag-uunawaan at ito’y hindi na rin nalingid sa kaalaman ng mag-asawa.

Lalo pang naging masalimoot ang pagsasama ng dalawa nang hindi na maging permanente sa kanyang trabaho si Orlando na lalo pang nagpalala sa hindi magandang sitwasyon ng kanilang pagsasama.

Matapos ang halos 14 na taon nilang paninirahan sa Davao Oriental, nagpasiyang li­sanin ng mag-asawa ang lalawigan upang humanap ng mas matatag na pagkakakitaan na lungsod.