Abante Tonite Interactive

Kasaysayan ng chop-chop lady sa Quezon City

Part 4

By
337

Kaagad namang kumilos ang mga opisyal ng barangay at ipinatawag si Orlando upang kausapin at pagpasiya­han kung anong aksiyon ang kanilang gagawin sa sumbong ni Heide.

Matapos ang paghaharap ng mag-asawa sa barangay, muling humi­ngi ng tawad si Orlando at tulad ng dati ay lumambot agad ang puso ni Heide at mabilis niyang pinatawad ang asawa sa ginawang pananakit sa kanya.

Bagama’t hindi naman nangako si Orlando na hindi na niya muling uulitin ang pananakit sa asawa, wala rin namang sinabi si Heide sa barangay na tutuluyan niya ang mister na ireklamo ng paglabag sa R.A 9262 o ang Violence Against Women and their Children’s Act kung muling inulit ang pananakit sa kanya.

Pinatunayan ito sa rekord ng pulisya na ibinahagi ni Sr. Insp. Elmer Monsalve, ang hepe ng Quezon City Police Distict (QCPD) Criminal Inveatigation and Detection Unit (CIDU) nang sabihin na bagama’t naghain ng reklamo si Heide sa Brgy. Holy Spirit dahil sa paulit-ulit na pananakit sa kanya ng asawa ay hindi naman niya itinuloy ang paghahain ng kaso laban sa lalaki.

Matapos magkaroon ng pag-aayos sa barangay ang mag-asawa, muling bumalik sa normal ang kanilang pagsasama lalo na’t lubhang nagi­ging abala si Heide sa kanyang trabaho bilang head maintenance habang pasulpot-sulpot o hindi naman regular na nabibigyan ng trabaho sa naturang pribadong paaralan ang kanyang mister.

Pasado alas-kuwatro nang hapon araw nang Linggo, Marso 11 ng kasalukuyang taon, habang naglalaro ang mga batang naninirahan lamang sa katabing bahay ng mag-asawa, nanghilakbot sila nang makita ang mga sariwa at duguan pang parte ng katawan ng tao na itinatapon palabas ng kanilang bahay ni Orlando.

Sa takot ng mga bata, kumaripas sila ng takbo patungo sa kani-kanilang bahay upang sabihin sa kanilang mga magulang ang nasaksihang pagtatapon ng putol-putol na katawan ng tao ni Orlando.

Bagama’t hindi kaagad naniwala, ipinasiya ng mga kapitbahay ng mag-asawa na lumabas at magtungo sa harap ng bahay nito at dito nila nakita si Orlando na may bakas ng dugo sa mga kamay at katawan habang itinatapon ang mga damit ng asawang si Heide sa labas ng kanilang tirahan, pati na ang ilang putol na parte ng katawan ng ginang.

Mabilis namang ipinagbigay-alam sa barangay ng mga residente sa lugar ang nasaksihan kaya’t itinawag kaagad ito ng barangay official kay Supt. Rossel Cejas, ang hepe ng Batasan Police Station na nakakasakop sa lugar.

Dakong alas-singko nang hapon nang duma­ting ang mga ipinadalang mga tauhan ni Supt. Cejas, kasama ang mga barangay tanod sa tapat ng bahay ni Orlando, at dito nila nakita ang mga putol-putol na katawan ng tao.

Inabutan pa ng mga pulis si Orlando na puro dugo ang katawan at kamay at walang damit pang-itaas kaya’t kaagad nilang dinakip ang la­laki na hindi naman nagtangka pang pumalag o manlaban sa mga awtoridad.