Abante Tonite Interactive

Kasaysayan ng mga babaeng pinagputol-putol ang katawan ng dahil sa panibugho

207

Part 10

Batay sa ulat ng pulisya, bago natagpuan ang bangkay ng dalaga ay may natanggap pang mensahe ang kanyang amang si Jerry Balunsay noong Enero 5 mula kay Mitzi gamit ang ibang cellular phone na humihingi ng permiso na matulog sa bahay ng isang kaklase dahil maaga silang papasok upang makapag-enroll.

Duda naman ang kanyang ama, pati na ang mga kaanak ng dalaga, na galing sa biktima ang mensahe dahil hindi ugali ng dalaga ang magpaalam lamang sa pamamagitan ng mensahe, bukod sa wala rin ang panghuling katagang “I love you” na laging pangwakas niyang mensahe kapag nagte-text.

Nang isailalim sa awtopsiya ng PNP Crime Laboratory ang bangkay ng biktima, lumabas sa resulta na bago pinagputol-putol ang bahagi ng kanyang katawan, hinalay muna ang dalaga at sinakal hanggang sa malagutan ng hininga.

Kaagad namang nagsagawa ng mabilisang pag-TUGIS ang mga tauhan ng Trece Martires police sa pangunguna ni Supt. Egbert Tibayan laban sa pangunahing suspek na huling kasama ng dalaga kaya’t dakong alas-9:30 nang umaga noong Pebrero 7 o kinabukasan matapos ma­diskubre ang bangkay, nadakip sa kanyang ni­rerentahang apartment sa Barangay Kaytapos, Indang Cavite ang 20-anyos na si Alvin Delos Angeles.

Nakuha pa ng pulisya sa kanya ang cellular phone ni Mitzi
Napag-alaman ng pulisya na kasamahan ni Mitzi sa teatro si Alvin at inamin din nito kay Supt. Tibayan at sa imbestigador na may hawak na kaso na si SPO1 Joselito Alegre Amparo na siya ang pumaslang kay Mitzi. Nagawa ani­ya niya ang pagpatay dahil nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo matapos ipasya ng dalaga na tapusin na ang kanilang relasyon.

Hinala umano ng suspek na may iba nang nagpapatibok sa puso ng dalaga kaya’t humantong ang kanilang mainitang pagtatalo sa pisikal na pananakit hanggang magdilim ang kanyang paningin at nasakal niya ang dalaga.

Idinugtong pa ni Alvin na hindi umano niya alam kung ano ang gagawin sa bangkay kaya’t ipinasya niyang pagputol-putulin ang bahagi ng katawan ng dalaga at isa-isang isinilid sa sako bago inilagay sa loob ng malaking kahon.

Bagama’t lumabas sa isinagawang awtopsiya ng pulisya na may palatandaang hinalay din ang biktima, mariin itong itinanggi ni Alvin at sinabing hindi niya ginahasa ang dalaga.

Hindi naman pinaniwalaan ni Supt. Tibayan ang pahayag ni Alvin na magkasintahan sila ng dalaga at sinabing labis-labis lamang ang pagnanasa ng lalaki sa biktima kaya’t gumawa ng paraan upang maisama ang dalaga sa kanyang inuupahang apartment.

Inihayag ni Tibayan na pinakiusapan ni Alvin ang dalaga na ipagdasal ang namayapa niyang kapatid na babae at dahil batid niyang relihiyosa at aktibong kasapi sa simbahan si Mitzi, tiwalang sasama sa kanyang tirahan ang dalaga lalo na’t magkasama naman sila sa teatro ng pinapasukang pamantasan.