Abante Tonite Interactive

Kasaysayan ng mga babaeng pinagputol-putol ang katawan ng dahil sa panibugho

By
145

Nang makarating naman sa kaalaman ng ina ni Mitzi na si Marivic ang malagim na pangyayari, kaagad itong umuwi sa Pilipinas mula sa Saudi Arabia kung saan siya nagtatrabaho bilang domestic helper. Labis ang paghihinagpis ni Marivic nang matunghayan sa loob ng kabaong ang kanyang anak na nagsisilbing inspirasyon sa kanyang pagtatrabaho sa ibang bansa dahil sa ipinamamalas nitong katalinuhan at pagkakaroon ng mabuting kalooban.

Noong Enero 12, 2017 o tatlong araw bago ihatid sa huling hantungan si Mitzi, umugong ang balita na napatay ng mga jail guard sa loob ng kanyang piitan sa Cavite si Alvin matapos na umano’y mang-agaw ng baril ng mga jail guard na naging dahilan upang barilin siya ng mga guwardiya.

Ilang mga residente pa sa bisinidad ng piitan ang nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril sa loob ng piitan subalit hindi nila matiyak kung sino ang nagpaputok.
Gayunman, pinatunayan ng pamunuan ng naturang piitan na peke at hindi totoo ang kumalat na balita, kasabay ng pagkakaloob ng pahintulot sa mga mamamahayag sa telebisyon na makapasok sa piitan upang makuhanan ng video si Alvin bilang patunay na buhay at hindi nakapang-agaw ng baril ng mga jail guard.

Nagbanta pa ang pamunuan ng piitan na maghahain sila ng reklamo sa nagpakalat ng balita sa social media dahil nakasisira umano ang ganitong mga uri ng pekeng balita sa buong kagawaran.

Nang ihatid sa huling hantungan si Mitzi noong Enero 15, 2017, araw ng Linggo, bumuhos ang mga nakidalamhati sa kanyang malagim na pagpanaw, kabilang na ang kanyang mga kasama sa teatro at simbahan, mga kak­lase, kaibigan at kaanak na pawang nakasuot ng kulay puting t-shirt na may nakasulat na kataga ng paghingi ng agarang hustiya sa kanyang kamatayan.

Nagpasalamat naman ang mga magulang ni Mitzi sa kapulisan dahil sa mabilis nilang pagsasagawa ng pag-TUGIS sa salarin na nagresulta sa agarang pagkakadakip sa kanya, kasabay na pana­wagan na ibalik na ang parusang kamatayan.

Hindi kay Mitzi natapos ang malagim na pamamaraan ng pagpatay ng dahil lamang sa panibugho dahil nito lamang Nobyembre 22, 2018, dakong alas-5:45 nang hapon nang ma­diskubre ang putol-putol na bahagi ng katawan ng isang Chinese national sa loob ng isang condominium sa Makati City.

Kinilala ni Makati police chief Senior Supt. Rogelio Simon ang biktima na si Wang Yalei, 26-anyos na isa umanong lesbian at naninirahan sa Unit 2302, 23rd floor, The Lerao Residence, Tower 1 na matagal na ring nasa bansa, kasama ang kanyang mga kaanak.

Nadakip naman kaagad ang mga panguna­hing salarin na sina Zhang Chuning, 21; isa ring tomboy na siyang nakatira sa lugar na pinangyarihan ng krimen; Zhang Chu Quan, 18, ng 23 F Tower, The Columns, Malugay St.; Zhang Yi Xi, 25, ng Antel Spa, Century City, Brgy. Poblacion, Makati at Wang Xue, 24 ng 4008 Yague St. Brgy. Sta. Cruz na halos kasabay ng mga nagrespondeng pulis na dumating sa lugar nang madiskub­re ang krimen.