Abante Tonite Interactive

Kasaysayan ng mga babaeng pinagputol-putol ang katawan ng dahil sa panibugho

192

Sa mga panayam kay Director Guillermo Eleazar, sinabi niya na isang uri ng tatsulok na pag-ibig o “love triangle” ang naging motibo sa natu­rang pamamaslang makaraang aminin umano ng pangunahing suspek na si Zhang Chuning na pinag-awayan nila ng biktima ang isang babae na kapwa nila naka-relasyon mula pa sa kanilang bansa sa China.

Batay sa pang-unang ulat ng mga tauhan ni Makati police chief Senior Supt. Rogelio Simon, Miyerkoles ng Nobyembre 21 pa lamang nang magsimulang mag-inuman ang apat sa loob ng condominium unit ni Zhang hanggang kinabukasan ng araw ng Huwebes.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sina Zhang at ang biktimang si Wang na kapwa tomboy dahil sa ginawang pag-amin ng una na may relasyon sila ng babaeng kasintahan ng biktima.

Sa mga panayam kay Zhang ng mga mamamahayag sa harap ng mga opisyal ng kapulisan, kumuha umano ng patalim ang biktima at tinangka siyang saksakin hanggang mag-agawan sila sa patalim. Nang maagaw aniya niya ang kutsilyo, dito na niya inundayan ng sunod-sunod na saksak si Wang na naging dahilan ng kamatayan nito.

Nagpatulong umano si Zhang sa kanyang mga kasamahan na pagputol-putulin ang bahagi ng katawan ng biktima at inilagay sa apat na luggage at shopper’s bag hanggang madatnan na sila ng mga security personnel at pulisya.
Dahil naging matibay ang mga pinanghahawakang ebidensiya ng pulisya, sinabi sa TUGIS ni Chief Insp. Gideon Ines, Jr na kaagad nilang isinampa ang kasong Murder laban sa mga suspek sa Makati City Prosecutor’s Office.

Nang ilabas ni Makati Assistant City ­Prosecutor Mark Jeremiah Garcia ang resolu­syon, napatunayan na sapat ang mga ebidensiyang nakalap ng kapulisan upang iakyat ang kaso sa korte habang wala rin siyang inirekomendang piyansa sa mga akusado para sa kanilang pansamantalang paglaya.

Matapos mai-raffle ang kaso, bumagsak ito sa sala ni Judge Maria Amifaith Fider-Reyes ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 60 na kaagad nagtakda ng pagbasa ng sakdal laban sa mga akusado.

Binigyan naman ng komendasyon ng Makati City Police sa pangunguna ni Senior Supt. Rogelio Simon si Walter Torilla ng Megaforce Security na tumatayong officer-in-charge ng The Lerato Residence Tower 1 dahil sa kanyang dedikasyon sa tungkulin at patuloy na suporta sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa inilunsad na kampanya laban sa krimen na nagresulta sa pagkalutas ng kaso ng karumal-dumal na pagpatay sa Chinese national na si Wang Yalei.
Personal na nagpaabot din ng pagbati kay Torilla si Director Guillermo Eleazar kasabay sa ipinamalas na kahusayan sa kanyang trabaho at tungkulin.

Sa mga kriminal nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. Walang krimen na hindi pinagbabayaran.