Abante Tonite Interactive

Kasaysayan ng mga babaeng pinagputol-putol ang katawan ng dahil sa panibugho

263

Part 6

Dito nakita ni Demetrio sa loob ng bathroom ang pinagputol-putol na bahagi ng katawan ni Elsa at siya pa ang dumampot sa ulo ng biktima at naglagay sa isang trash bag habang ang iba pang parte ng katawan ay sa hiwalay namang garbage bag bago inilagay nila lahat sa biniling bag na may zipper at roller.

Magkatuwang na ini­lagay nina Demetrio at Stephen sa compartment ng sasakyan ang ma­laking bag na kinalalagyan ng putol-putol na katawan ni Elsa bago sila umalis dakong alas-dos ng hapon. Nakarating sila sa ­Batangas at Tagaytay hanggang sa bumalik muli patu­ngong Sta. Rosa, Laguna kung saan inutusan siya ng amo na ihinto sa makipot na kalye sa Puting Kahoy at Silanganan at dito itinapon ang garbage bags na kinalalagyan ng putol-putol na bahagi na katawan ng biktima.

Ibinalik pa ni Stephen sa loob ng compartment sa likuran ang malaking bag bago tuluyan na silang bumiyahe patungong Bataan dakong alas-6:30 na ng gabi. Bago sila sumapit sa paroroonan, ilang ulit din silang huminto sa iba’t ibang ­lugar upang itapon ang iba pang gamit ni Elsa kabilang ang suot na damit ng biktima, ang Giordano bag at iba pang gamit kaya’t hatinggabi na nang ­dumating sila sa mansion na pag-aari ng pamilya Whisenhunt.

Bagama’t pagod sa malayong biyahe, hindi dinalaw ng antok si Demetrio sa pangambang siya naman ang patayin ni Stephen. Kinabukasan, ­inutusan pa siya ni Stephen na linisin ang compartment trunk ng sasakyan upang hindi bumaho bago sila bumalik na muli patu­ngong Manila.

Pagsapit nila sa kanto ng EDSA at Quezon Ave­nue dakong alas-2:30 ng hapon, nagpaalam si Demetrio kay Stephen kung puwedeng ang amo na lang ang magmaneho dahil nais niyang umuwi sa kanilang bahay sa Fairview. Pinayagan naman siya ni Stephen at bago bumaba ng sasak­yan, binigyan pa siya ng P50 na pamasahe at sinabihan na kung nais niyang magbakasyon kasama ang pamilya, bibigyan siya ng salaping panggastos.

Pagdating ni Demetrio sa kanilang bahay, kaagad niyang sinabi sa pamilya ang pangyayari at pinayuhan naman siya ng asawa na magtu­ngo kay Fiscal Joey Diaz sa bahay nito malapit lamang sa kanila sa Fairview upang humingi ng wastong payo.

Kinabukasan, Setyembre 27, sinamahan siya ni Fiscal Diaz sa Department of Justice (DOJ) na nag-atas sa kanilang magtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) upang makapagbigay na salaysay. Mismong si Atty. Artemio Sacagquing, ang hepe noon ng Anti-Organized Crime Division, ang kumausap kay Demetrio na una’y hindi pa makapaniwala kaya’t inutusan si Agent ­Marianito ­Panganiban na bumuo ng team na magtutungo sa lugar na sinasabi ni Demetrio.

Nang marating ng grupo ang lugar na itinuro ni Demetrio, inabutan pa nila si SPO3 Alipio Santos ng Sta. Rosa police habang nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa putol-putol na bangkay na natagpuan ng isang tricycle driver.