Abante Tonite Interactive

Kaso ng dengue at leptospirosis, tumaas ngayong taon

By
99

Kapwa tumaas ang bilang ng mga kaso ng dengue at leptospirosis sa bansa ngayong taon.

Sa ipinalabas na data ng Department of Health (DOH), nasa 30% ang itinaas ng mga dinapuan ng dengue habang 86% naman ang itinaas ng mga nadale ng leptospirosis.

Nabatid na mula sa 131,736 kaso ng dengue na naitala sa u­nang 11 buwan ng 2017, u­mabot ito ngayon sa 171,294 kaso.
Pinakamarami sa mga naitalang kaso ay nagmula sa Negros Occidental, Quezon City, Cebu, at Bohol, habang naitala naman ang pinakamalaking pagtaas ng kaso sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), Mimaropa, CARAGA, Region X at Region I.

Kaugnay nito dahil naman sa mga bagyo at pagbaha na naganap ay tumaas rin ang bilang ng leptospirosis cases sa bansa, na nakukuha sa ihi ng daga na nahahalo sa tubig-baha.

Mula sa 2,612 kaso ng leptos­pirosis noong nakaraang taon, pumalo sa 4,855 kaso ng sakit ang nairekord ng DOH ngayong taon at 460 sa mga ito ang nasawi.

Karamihan umano sa mga nasawi ay naitala sa Calabarzon, Caraga, National Capital Region (NCR), Mimaropa, at Region 9.

Samantala, muli namang pinaalalahanan ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko na kaagad na kumonsulta sa doktor kung makakakita ng sintomas ng sakit.

Sinabi ng kalihim na kapag umabot na sa 38 degrees centigrade ang lagnat ay huwag nang magpatumpik-tumpik at magdalawang-isip at kaagad nang kumonsulta sa doktor.