Abante Tonite Interactive

Kaso ng dengue dumoble sa Taguig

256

Dumoble umano ang bilang ng naitalang kaso ng dengue sa Taguig sa loob ng unang walong buwan ng 2019 kumpara sa kaparehas na panahon noong 2018.

Ayon sa Department of Health (DOH), ang na­turang mosquito-borne disease ay kinakitaan din ng pagtaas sa 9 na siyudad sa Metro Manila.

Nalaman sa DOH na mula Enero 1 hanggang Agosto 3, naitala ang 490 kaso ng dengue sa Taguig na tumaas ng 102% mula sa 243 kaso noong 2018.

Pumangalawa naman ang Malabon City na may 513 kaso ngayon taon mula sa dating 282 noong 2018.

Habang ang Parañaque, Pasay, Mandaluyong, Las Piñas, Muntinlupa, Navotas, Makati at San Juan ay kinakitaan din ng pagtaas ngayon taon.

Sa Metro Manila umabot na sa 10,349 ang naitalang kaso ng dengue at may 45 ang nasawi.

Sa Quezon City naitala ang pinakamaraming bilang ng nasawi na umabot sa 24, sinundan ng Maynila, 5 at Caloocan, 4.

Habang naitala naman sa Taguig, Valenzuela, Marikina at Pasig ang tig 2 nasawi samantalang sa Malabon, Navotas, Parañaque at Pasay ay naitala ang tig-isang nasawi.

Sa kabila nito, sa Quezon City naitala ang pinakamaraming nasawi, may 3,502 kaso naman ng dengue ang naitala hanggang nitong Agosto 10 na mas mababa ng 15% sa 4,520 kaso na naitala noong nakalipas na taon.

Sinabi naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na tuloy-tuloy ang search and destroy method at spray sa mga barangay.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Health Secretary Francisco Duque III na nakahanda ang mga ospital sa pagdagsa ng mga pasyente ng dengue. (Juliet de Loza-Cudia)