Abante Tonite Interactive

Kaso ng pamilya Centeno na napatay sa Caloocan

845

Kadalasan nang tampulan ng puna at batikos ang ilang mga opisyal at kagawad ng Pambansang Kapulisan, lalo na kung ilan sa kanila ay masasangkot sa iba’t ibang uri ng krimen mula sa kidnapping for ransom, gun-for-hire, murder, rape hanggang sa simpleng kaso ng pangongotong at pagbibigay ng proteksiyon sa mga iligal na aktibidad partikular sa droga at iba pa.

Salat sa kaalaman ng publiko, mas maraming mabubuti at masisigasig na opisyal at tauhan ng kapulisan na nasa puso at isipan ang tunay na paglilingkod, pagbibigay ng proteksiyon sa mamamayan at wagas na pagmamalasakit sa mga taong nangangailangan ng kanilang ayuda lalo na sa paghahanap ng hustisya.

Sa pamamagitan ng pitak na ito, matutungha­yan ng mga mambabasa ang ilan sa mga malala­king kaso na nalutas ng pulisya sa pamamagitan ng ginawa nilang pag-TUGIS sa mga taong nagkasala at gumawa ng krimen kahit saan man sila magtago o anong paraan man ang kanilang ginawa upang takasan ang batas.

Isa lamang sa napakaraming malalaking krimen na nalutas ng kapulisan ang nangyaring pagpatay sa tatlong miyembro ng isang pamilya na kinabibilangan ng ama, asawa at anak na naganap halos 14 na taon na ang nakalilipas sa isang barangay sa Caloocan City.

Sa kabila ng paglipas ng maraming taon, hindi pa rin mapigilan ni Aling Susan, 59-anyos, pa­nganay na anak ng mag-asawang Isidro at Leticia Centeno, kapwa 65-taong gulang noon, at manugang na si Teresita, asawa ng napaslang ding si Servando na noon ay 36 na taong gulang, ang mapaluha kapag naaalala ang nangyaring pagpatay sa mga biktima matapos na umano’y walang awang pagbabarilin ng dating pulis na si PO2 Reynaldo de Castro, alias “Rey” na noon ay nakatalaga sa Caloocan City Police Mobile Patrol Unit.

Kung tutuusin, ang araw ng Pasko ay panahon ng pagmamahalan, pagbibigayan, pagpapatawaran, pagkakaisa at pakikipagkapwa-tao, subalit para sa mga naulila ng napatay na mag-asawang Centeno at anak na si Servando, ang Pasko ay isa na ngayong paggunita sa kanilang pagluluksa, pagdadalamhati at paghihirap ng kalooban dahil sa mismong araw na ito, noong Disyembre 25, 2004, napatay ang pinakamamahal nilang magulang at kapatid.

Ayon kay Aling Susan, bagama’t patuloy pa rin sila sa tradisyon ng pagsasalo-salo sa hapag-kainan at pagdalo sa misa upang magpasalamat sa mga biyayang ipinagkakaloob sa kanila ng Panginoon tuwing sasapit ang araw ng Pasko, hindi pa rin lubusang mawala sa kanila ang kalungkutan at pagdadalamhati kahit pa nga nakapiit na ang sinasabing pumatay sa kanilang magulang at kapatid.

Ano nga ba ang pinagmulan ng naturang trahedya sa pamilya Centeno at bakit hindi lang isa kundi tatlo pa sa miyembro ng kanilang pamilya, kabilang na rito ang kanilang ama’t ina, ang napatay? (Sundan bukas)