Abante Tonite Interactive

Kaso ng pamilya ni Centeno na napatay sa Caloocan

By
633

Nakarating na rin sa kaalaman ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office 13 o Caraga Region (RID-13) ang kasong kinakaharap ng dating pulis kaya’t gumawa sila ng hakbang upang makakuha ng warrant of arrest bago nila isagawa ang pagdakip.

Matapos mahawakan ang warrant of arrest na inilabas ni Caloocan City RTC Judge Luisito Sardillo ng Branch 125 laban kay De Castro para sa tatlong bilang na kasong murder sa ilalim ng Criminal Case No. 73542, nagkasa na ng operasyon ang RID-13 sa pangu­nguna ni Supt. Martin M. Gamba.

Enero 19, 2018 dakong alas-11:30 ng umaga nang isilbi ng mga tauhan ng RID-13 ang warrant of arrest laban kay De Castro habang nakapila sa isang terminal ng tricycle sa P-6 Barangay Buhanginan, Butuan City.

Ipinabatid ng mga dumakip na kapulisan ang karapatan ng akusado sa ilalim ng Miranda Doctrine at Anti-torture Act habang isinisilbi ang warrant of arrest laban sa kanya.

Hindi naman nanlaban si De Castro at kusang sumama ng matiwasay sa mga humuli sa kanyang miyembro ng RID-13. Isinagawa ng mga tauhan ng RID-13 ang normal na proseso sa mga nadarakip na akusado kabilang ang pagsasailalim sa kanya sa mug shot at pagsusuri sa kanyang personalidad at katauhan upang alamin kung may iba pa siyang kasong kinakaharap bukod sa tatlong bilang na kasong murder sa Caloocan city.

Matapos ang mahabang pro­seso at mapatunayan na wala siyang iba pang kasong dapat harapin habang nanirahan ng mahabang panahon sa Butuan City, ipinagbigay-alam na ng RID-13 sa Caloocan city police na puwede na nilang kunin ang panga­ngalaga sa akusado upang harapin ang kasong isinampa laban sa kanya.

Noong Marso 1, 2018, nagtungo sa Butuan City sina Chief Insp. Enrique Torres, ang hepe ng Warrant and Subpoena Section ng Caloocan police, kasama ang mga imbestigador na sina SPO4 Joe Mar Ronquillo at SPO4 Wilfredo Mu­yon upang sunduin si De Castro.

Matapos ang wastong panuntunan at kinakailangang proseso para sa pag­lilipat ng kustodya sa akusado, isinama na nina Chief Insp. Torres si De Castro patungong Maynila upang tuluyan na niyang harapin ang tatlong bilan na kasong murder na isinampa laban sa kanya.

Noong Marso 5 ng tanghali, iprinisinta nina Chief Insp Torres at ni dating Caloocan police chief Senior Supt. Jemar Mode­quillo si De Castro kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan bilang kortesiya at pagpapabatid sa alkalde na nasa kamay na nila ang tinaguriang Most Wanted Person ng lungsod.

Nang iharap ng alkalde sa mga mi­yembro ng media si De Castro, self defense o pagtatanggol sa kanyang sarili ang kanyang dahilan kung kaya’t nagawa niyang paputukan ang mga biktima. (sundan bukas)