Kaso nina Kian, Carl, at Kulot murder at hindi EJK – Aguirre
Itinuturing ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ll na ‘murder’ at hindi sakop ng extrajudicial killings (EJK) ang pagpaslang kina Kian Delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, at Reynaldo ‘Kulot’ De Guzman.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 35 na bumuo sa inter-agency committee para magsiyasat sa mga katulad na kaso, sinabi ni Aguirre na nasa kategorya ng EJK ang kaso kung ang biktima ay miyembro ng media, cultural minority o mula sa mga grupong political, environmental, agrarian, at labor.
Aniya, sina Kian, Carl, at Kulot ay hindi miyembro ng alinmang samahan kaya hindi sila maaaring bumagsak sa kategorya ng EJK.
Dahil dito kung kaya’t maihahalintulad aniya sa common crimes ang kaso ng tatlong menor-de-edad tulad din ng nangyari noong rehimen ni dating Pangulong Marcos na murder ang kaso sa mga pagpaslang noong panahon ng Martial Law at hindi EJK.
Nagkaroon aniya ng kalituhan sa tunay na kahulugan ng EJK dahil binigyan ito ng mga kritiko ng administrasyong Duterte ng maling pananaw.
Dagdag ng Kalihim, malinaw naman na nais lang sirain ng mga anti-Duterte ang kampanya ng pamahalaan sa pagsusulong ng giyera kontra iligal na droga at palitawin na berdugo ang Pangulo dahil sa madugong pagtugis sa mga sangkot sa nasabing bisyo.
Idinagdag ni Aguirre na desperado ang mga kalaban ng administrasyon na pabagsakin ang Pangulo dahil sa kabila ng mga pag-atake sa liderato nito ay patuloy pa rin ang kanyang pagbango sa mas nakararaming Pinoy batay na rin sa nakuha niyang 80 percent na approval ratings sa pinakahuling survey ng Pulse Asia noong Setyembre.