Abante Tonite Interactive

Kaso vs. PDu30 walang basehan

By
10

Maagap na dumipensa si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo kaugnay sa reklamong inihain sa International Criminal Court (ICC) laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Alam mo ‘yang kasong ‘yan… matagal na rin naming sinasabi na walang basehan ‘yan. Pangalawa, I don’t think ‘yung International Criminal Court ay may jurisdiction. For one, ‘yung jurisdiction nila dapat doon sa mga pagpatay sa partikular na class of people… hindi naman ‘yung mga kriminal na namamatay dito belong into a special class,” paliwanag ni Panelo sa panayam ng media kahapon ng hapon.

Hinimay din nito ang mga posibleng eksena o senaryo ng patayan na pawang may kinalaman sa kalakaran ng industriya ng ilegal na droga na aniya’y wala namang koneksyon si Pangulong Duterte.

Pinaalala rin ni Panelo na ilang buwan bago pa maupo sa poder si Pangulong Duterte ay kaliwa’t kanan na ang insidente ng mga patayan na may kinalaman sa ilegal na droga.

Ganunpaman, nakahanda umano silang tumugon kaugnay sa reklamong inihain sa ICC.

Pinabulaanan din ni Panelo ang bintang na walang ginagawang imbestigasyonan ang administrasyong Duterte sa mga nagaganap na pamamaslang.