Abante Tonite Interactive

Katakam-takam ngunit masama sa kalusugan

ANG SA AKIN LANG

By
334

julius-segovia

Sino ba ang hindi matatakam sa french fries, burger, ice cream, at pizza? Pero teka – ang hindi ninyo alam, kasama sila sa itinuturing na junk food. Kabilang din ang hotdogs, sodas at mga karaniwang mata­tamis na panghimagas o dessert.

Ang junk food ay karaniwang pagkain na mababa ang nutritional value pero mataas sa calories, fat, sugar, salt, o caffeine.

Ikinababahala ng mga medical expert ang sobrang pagkain nito ­dahil masama ito sa ating kalusugan.

Inuugnay ang pagkain ng junk food sa pagtaas ng kaso ng ­obesity, heart disease, high blood pressure, canser, tooth decay, at iba pang sakit.

Ayon sa pag-aaral na inilathala sa Ame­rican Journal of Clinical Nutrition noong 2011, humihina ang memorya ng mga taong madalas kumain ng junk food. Nahihirapan din silang umintindi ng mga aralin dahil nakapagpapabagal ito ng pag-iisip at sinisira nito ang mood ng isang tao.

Dahil dito, tumataas ang tsansang magka-dementia ang taong mahilig sa junk food. Isa itong mental illness kung saan nawawala ang memorya ng tao.

Kung madalas kang kumain ng junk food, mabilis ka ring mawalan ng ganang kumain. Agad ka ka­sing nabubusog.

Base rin sa pagsasaliksik, posibleng ma­ging sanhi ito ng depression. May malaking epekto sa chemical changes ng ating katawan ang sob­rang pagkain ng junk food.

Nakaka-addict ang junk food. Tiyak na hahanap-hanapin mo ito. Kaya hindi malayong masira ang iyong appetite sa pagkain ng mas masusustansiyang pagkain.

Ang sa akin lang, okay lang namang kumain ng junk food basta ‘in moderation’. Huwag gawing kanin ang chi­chirya. Tandaang may masamang dulot sa katawan ang sobra-sobrang pagkain ng junk food. Ugaliing kumain ng prutas at gulay na masustansiya at mayaman sa bitamina.