Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Katakot-takot na kurakot

0 213

Kahit mismong si President Mayor Digong Duterte, nabuwit na mga tropapips at nagsabing lumala ang kurakutan sa kaniyang administrasyon. Ang maganda nito, hindi pa rin naman siya sumusuko at hindi niya ito hahayaan na mamayagpag pa rin bago matapos ang termino niya sa June 2022.

Kaya kahit may Office of the Ombudsman na at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na nakatokang magsiyasat sa mga katiwaliang nangyayari sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, aba’y kumuha pa ng resbak ang pangulo sa Department of Justice (DOJ) para bumuo ng super-dupper-mega Task Force na sisiyasat sa lahat ng katiwalian sa gobyerno.

Hindi tuloy maiwasan magtanong ng mga kurimaw natin na suki ng pagkaing “pagpag” kung sino kaya ngayon ang lalabas na tunay na “graft-buster’: Ang Ombudsman ba ni Samuel Martires, ang PACC ba ni Commissioner Greco Belgica, o ang super-dupper-mega-task force ni Justice Sec. Menardo Guevarra?

Makikita sa televised address ni President Mayor Digong ang sobrang pagkadismaya niya sa pagpapatuloy ng katiwalian sa gobyerno. Bakit nga naman hindi, kasama kasi iyon sa pangako niya sa kampanya na tatapusin niya sa mga unang buwan niya sa puwesto pero bigo siya–sa ngayon.

Aba’y ilang opisyal na ba ang sinibak niya sa puwesto at mga kusang nagbitiw [na ang iba ay kilalang malapit sa kaniya] dahil sa alegasyon ng katiwalian? At tandaan mga tropapips, ilan din sa mga iba eh idinepensa niya sa alegasyon ng katiwalian sa una pero sa huli ay nawala rin sa posisyon.

Kaya hindi dapat magpakakampante itong sina Health Secretary Francisco Duque III at Public Works and Highway Secretary Mark Villar kahit pa sinasabi ngayon ng Palasyo na buo pa rin sa ngayon ang tiwala sa kanila ng pangulo sa kabila ng mga umaalingasaw na alegasyon na may katiwaliang nagaganap sa kanilang mga departamento.

Ang isa pang markado sa katiwalian ngayon ay itong bata ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na si Bases and Conversion Development Authority (BCDA) President at CEO Vince Dizon na sinampahan ng kasong graft sa Ombudsman ng isang grupo dahil sa pinasok na kontrata sa isang Malaysian firm sa pagtatayo ng sports facilities na ginamit sa Southeast Asian Games in 2019 na nagkakahalaga ng P11 bilyon.

Related Posts
SM food to go Banner Ad

Sa laki ng halagang pinag-uusapan na umano’y naagrabyado ang gobyerno, dapat bigyan prayoridad ng Ombudsman ang imbestigasyon dito at isampa kaagad sa Sandiganbayan ang reklamo kung may basehan. Bukod sa malaki ang halagang sangkot, humahawak din ng mahalagang posisyon ang alipores ni Cayetano na si Dizon bilang “Testing” czar sa kampanya laban sa COVID-19.

Itinanggi siyempre ng BCDA ang paratang kaya dapat malaman ang katotohanan. Bukod kuwestiyon sa konstruksiyon ng sports facilities ng BCDA, may sariling isyu rin itong si Cayetano bilang pinuno ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na naging punong abala sa naturang SEA Games.

Pribadong grupo ang Phisgoc kaya may mga mambabatas na kuwestiyon noon kung bakit ito hinayaang makasawsaw sa pondo ng gobyernong inilaan sa palaro na halos P7 bilyon. Ngayon, may mga nagrereklamo na may supplier at mga inupahang serbisyo ang hindi pa rin nababayaran na umaabot sa P380 milyon.

Hinamon na nga ng Philippine Olympic Committee ang Phisgoc na ilabas ang audited financial statement sa gastos ng nagdaang SEA Games para magkaalaman na.
Ang pagkakaalam natin, iniutos na rin noon ni Martires na imbestigahan ang alegasyon ng katiwalian sa Phisgoc. Nang panahon iyon, hindi pa naglalabasan ang ilan pang kontroberiya sa gastos sa palaro gaya ng sinasabing overpriced na “kaldero” ni Cayetano na ginamit sa SEA Games.

Ang DOJ ni Guevarra, nagbanggit ng limang ahensiya ng pamahalaan na uunahin niyang paimbestigahan sa usaping ng katiwalian–ang PhilHealth, DPWH,Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue at Land Registration Authority.

Ang PACC ni Belgica, mukhang katiwalian din sa DPWH ang inaasinta pero may kasamang mga kongresista na pinaniniwalaang malakas “sumipa ng paatras” para makadelihensiya sa mga kontratista ng proyekto.

Kaya kung nais siguro ni Ombudsman Martires na huwag namang mapag-iwanan sa hamon ni President Mayor Digong na kalusin ang mga kurakot, aba’y alam niya na siguro niya ang “big fish” na puwede niyang unahing lambatin. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.