Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Katapatan sa Konstitusyon, hindi sa Presidente

0 111

Lalong lumaki ang apoy na nalikha ng pagbunyag ni Pang. Duterte kamakailan na nagpabakuna na laban sa COVID-19 ang ilang kasapi ng militar, ilang miyembro ng Gabinete, ang maging siya mismo, gayong wala pang anumang bakuna na rehistrado sa Food and Drug Administration at aprubadong gamitin sa loob ng bansa. Sa madaling sabi, ilegal ang naturang pagbabakuna.

Hindi naapula ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang sunog, sa kabila ng kanyang garapalang pagsisinungaling. Inamin mismo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, Jr., na “smuggled” ang mga bakuna na ginamit ng Presidential Security Group, ngunit giniit niya na “justified” naman daw ito. Matapos manawagan ang ilang Senador at Kongresista ng imbesitgasyon sa ilegal na pagpapabakuna, gumamit si Pang. Duterte ng taktikang paninindak at pananakot sa mg mambabatas. Nagbabala siya na magkakaroon ng “munting krisis” kung ituloy nila ang kanilang imbestigasyon at diinan ang PSG.

SM food to go Banner Ad

Hindi maaaring palampasin ang linya ng pangangatwiran na ginagamit ng Malacanang, mula sa PSG hanggang kay Duterte mismo. Nangingibabaw umano ang pagtatanggol sa kalusugan ni Duterte sa anumang batas. Ayon kay PSG commander Brig. Gen. Durante, ilegal na nagpabakuna sila sa ngalan ng “national security,” dahil handa silang gamitin ang “anumang pamamaraan” (“exploits all means”) upang magampanan ang kanilang mandato na bigyang-proteksyon ang Pangulo laban sa banta ng COVID-19. Sinegundahan ito ni Sen. Bato dela Rosa, na nagsabing dapat pa ngang pasalamatan umano ng publiko ang mga kawal ng PSG dahil gumamit sila ng di-rehistradong bakuna alang-alang sa kaligtasan ni Pang. Duterte. Sabi naman ni Roque: “Prinotektahan nila ang Presidente… Yung mga may problema, bahala kayo sa buhay niyo.”

Hinihingi sa lahat ng manunungkulan sa gubyerno, maging opisyal man o ordinaryong kawani, kabilang ang bawat kasapi ng Armed Forces of the Philippines, na bigkasin ang isang “Panunumpa sa Katungkulan.” Tampok dito ang pagsumpa na “aking itataguyod at ipagtatanggol ang Konstitusyon ng Pilipinas” at “susundin ko ang mga batas, mga kautusang legal, at mga dekretong pinaiiral ng mga sadyang itinakdang may kapangyarihan ng Republika ng Pilipinas.” Pansinin na nakapatungkol ang sumpa sa Konstitusyon at mga batas, hindi sa Presidente o sino pamang indibidwal. Nariyan ang pagkakaiba ng isang “demokrasyang konstitusyonal,” kung saan itinuturing na kahayagan ng soberanong kapasyahan ng mamamayan ang Konstitusyon, sa pamamayagpag ng mga monarko, tirano, at diktador, kung saan nangingibabaw ang “hari” sa lahat.

Muling pinangangalandakan ni Duterte na ang batas ay batas para sa lahat – maliban sa kanila. Nilabag ng PSG at lahat ng opisyal na sangkot sa ilegal na pagbabakuna ang batas, at kung gayon, ang kanilang sinumpaang tungkulin na tumalima sa batas. Dapat silang panagutin, hindi bigyan ng medalya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.