Abante Tonite Interactive

Katarungan sa 12-anyos na batang ginilitan ng leeg

320

EDISON REYES

Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang mga ahente ng NBI at kaagad silang nagsagawa ng pani­bagong imbestigasyon at kinalap pati na ng kuha ng CCTV ng barangay kung saan nakita ang isa pang person of interest sa harapan ng bahay nang mga oras at araw nang maganap ang krimen.

Habang papalapit na ang mga ahente ng NBI na malutas ang kaso ng pagpaslang kay Myrrhaquel, nagpasiya ng sumuko noong Marso 27, araw ng Miyerkules si King Angelo Sese at ina­min ang ginawang pagpatay sa pinsang si Myrrhaquel.

Sa pahayag ni Sese, nasa impluwensiya siya ng ipinagbabawal na gamot nang pasukin ang bahay ng kanyang tiyahin para magnakaw su­balit inabutan niya sa loob ang biktima.

Ayon pa sa suspek, tinangka lamang niyang patahimikin ang pinsan subalit kumuha umano ng patalim ang bata para ipagtanggol ang kanyang sarili kaya’t inunahan na niya ng saksak at gilitan ang leeg.

Idinugtong pa ni Sese na labis siyang binabagabag ng kanyang konsensiya sa nagawang krimen sa pinsang babae kaya’t nagpasiya na siyang sumuko upang matahimik ang kanyang isipan.

Humingi rin siya ng patawad sa pamilya Singson at sinabing handa niyang pagdusahan ang kanyang nagawang pagpaslang kay Myrrhaquel bilang kabayaran.
Aniya, nagsinunga­ling siya nang imbitahan at isailalim sa imbestigasyon ng pulisya kaya’t pinalaya siya habang nadiin naman ang kanyang tiyuhing si Reynaldo.

Hindi naman maisailalim ng mga ahente ng NBI sa inquest procee­dings si Sese dahil lumagpas na sa takdang araw mula nang mangyari ang krimen ang kanyang pagsuko kaya’t marami ang mga kaibigan at kaanak ng pinaslang ang nanghihinayang sa posibleng pagka-diskaril ng kaso laban sa suspek.

Gayunman, sa kanyang facebook account, ipinaliwanag ni Colenso sa mga nananawagan ng katarungan sa pagkamatay ng kanyang anak na iniingatan lamang ng mga awtoridad ang wastong paraan ng paghahain ng kaso upang hindi mauwi sa wala ang usapin.

Isasagawa aniya ang paghahain ng kasong robbery with homicide laban kay Sese sa pamamagitan ng preliminary investigation kung saan haharap sa tagausig ang magkabilang panig upang magbigay ng salaysay.

Sa kanilang mga isusumiteng affidavit at salaysay ng suspek ibabatay ng tagausig kung may sapat na ebidensiya upang isampa sa korte ang usapin at sa kaso a­niya ng sumukong suspek na umamin sa krimen, magiging madali na para maiakyat ang kaso at makapaglabas ng warrant of arrest ang hukuman.

Hindi rin nangangamba si Colenso na mababasura ang kaso lalu na’t nagkaisa na ang pamilya, pati na ang ina ni Sese na ituloy ang usapin upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Myrrhaquel.

Sa mga kriminal nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran.