Abante Tonite Interactive

Katarungan sa 12-anyos na batang ginilitan ng leeg (Part 4)

460

Dahil dito, tanging ang panganay nilang anak na si John ang matiyagang nakakapagturo ng ara­ling matematika kay Myrrhaquel dahil aminado ang mag-asawa na mahina sila sa naturang aralin.

Hindi lamang sa pamil­ya ipinakita ni Myrrhaquel ang kabaitan kundi ma­ging sa kanyang mga pinsan at mga kaklase sa kanyang pinapasukang paaralan kaya’t hindi na nagtaka ang mag-asawa kung maraming mga kaibigan sa paaralan ang kanilang bunsong anak.

Ipinamalas din ni Myrrhaquel ang pagiging malapit sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsisilbi bilang volunteer sa simbahan kasama ang ilang mga bata kaya’t hindi nakakalimot ang pamilya na magpasalamat at dumalo sa mga misa sa simbahan.

Sa kabila ng kamusmusan, maagang ipinakita ni Myrrhaquel ang pagtulong sa kapuwa kaya’t lagi niyang nababanggit sa mga magulang at kapa­tid ang pagnanais na balang araw ay maging isa siyang doktor.

Gayunman, lahat ng mga pangarap sa buhay ni Myrrhaquel, pati na ang kasiyahan ng kanyang mga magulang at kapatid sa kanyang piling ay natapos ng maaga makaraang matagpuan ang kanyang bangkay sa kusina ng kanilang bahay dakong alas-4:30 nang hapon, araw ng Miyerkoles noong Enero 23 ng kasalukuyang taon.

Nadiskubre ang duguang bangkay ni Myrrhaquel ng kanilang tagalinis ng bahay na si Rossel Villaralbo nang magtungo siya sa bahay ng pamilya upang maglinis, gaya ng regular niyang ginagawa bilang house helper ng pamilya.

Sa kanyang pahayag sa pulisya, pasado alas-4:00 nang magtungo siya sa bahay ng pamilya Singson upang maglinis subalit nagtaka siya kung bakit sa kabila ng sunod-sunod niyang pag-timbre sa pintuan ay walang nagbubukas ng gate gayung may ilaw ang kabahayan na palatandaang may tao sa loob nito.

Nang ipasiya ni Rossel na umikot sag awing likuran ng bahay upang sumilip sa bandang kusina, dito na siya nagulat nang makita ang nakahandusay ni Myrrhaquel na laslas ang lalamunan kaya’t kaagad siyang humingi ng tulong sa mga kaanak ng pamilya.

Hindi naman nagtagal ay dumating ang mga kagawad ng pulisya mula sa Caloocan Police Community Precint (PCP) 6, sa pangunguna ng kanilang hepeng si Insp. Harold Melgar, upang ikordon ang lugar at hindi magalaw ang anumang maaa­ring maging ebidensiya sa krimen habang hinihintay ang pagdating ng mga tauhan ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) na magpoproseso sa krimen pati na ang mga tauhan ng Caloocan Police North Extension Office (NEO) na magsasagawa ng imbestigasyon.

Tinawagan naman ng kanilang mga kaanak sa kanilang trabaho ang mag-asawang Colenso at Raquilina upang ipabatid ang pagkakatagpo sa bangkay ng kanilang anak kaya’t mabilis na umuwi ang mag-asawa, pati na ang dalawa pa nilang anak na sina John at Angela.

Lumabas sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng North Extension Office (NEO) ng Caloocan police na umuwi ng maaga mula sa pinapasukang paaralan ang Grade 6 na biktima dahil kalahating araw lamang ang kanilang pasok kapag panahon ng pagsusulit.

Makapananghali pa lamang ay umuwi na si Myrrhaquel matapos ang kanilang eksaminasyon sa pinapasukang paaralan kaya’t siya lamang ang tao sa kanilang bahay.

Nang makarating sa kaalaman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Major Gen. Guillermo Eleazar ang karumal-dumal na krimen, kaagad niyang inatasan si Caloocan police chief P/Col. Restituto Arcanghel na personal na tutukan ang gagawing pagsisiyasat ng pulisya at magsagawa kaagad ng pag-TUGIS sa sinumang may kagagawan sa pagpatay sa batang estudyante.

Habang isinasagawa ng SOCO ang pag-proseso sa bangkay ng biktima, pati na ang pagkuha sa mga posibleng naiwang fingerprinsts sa pinangyarihan ng krimen, nakuha naman ng mga imbestigador sa crime scene ang dalawang kutsilyo na may bahid ng dugo na posibleng ginamit ng salarin sa krimen na parehong nabaluktot.

Natuklasan din ng mga imbestigador na nawawala sa loob ng bahay ng pamilya ang dalawang cellular phones na posibleng tinangay ng salarin.

Bukod sa nilaslas ang leeg ng biktima, may tama rin siya ng saksak sa beywang, batay sa inilabas na ulat ng pulisya.

Ang walang awang pagpatay kay Myrrhaquel ay umani ng paghihimagsik ng marami, hindi lamang ng kaanak ng pamilya Singson at Urbano kundi maging ng kanilang mga kaibigan, ka-klase ng biktima at mga netizens na kumokondena sa walang kapararakang pagkitil sa buhay ng bata na may maganda pa sanang kinakaharap na kinabukasan.

Dahil dito’y tinutukan na mismo ni P/Col. Restituto Arcanghel ang ginagawang pagsisiyasat ng pulisya, pati na ang hepe ng PCP-6 na si Insp. Harold Melgar kaya’t may tatlo kaagad silang tinukoy na mga “persons of interest” na isa-isang inimbitahan.

Kabilang sa tatlong persons of interest na inimbitahan ng pulisya ang 43-anyos na si Reynaldo Urbano, ang tiyuhin ng biktima at nakababatang kapatid ni Raquilina, pati na ang 21-anyos na pamangkin ng ginang na si King Angelo Sese.

Inimbitahan ng pulisya si Urbano batay na rin sa natuklasan ng pulisya na walang nangyaring puwersahang pagpasok sa tahanan ng pamilya Singson kaya’t posibleng kilala nila ang salarin at may pahintulot sa pamilya na maglabas-pasok sa kanilang tirahan.

Gayundin ang pamangkin ni Reynaldo na si King Angelo Sese dahil may nakapagsabi sa pulisya na nakita rin siyang naglalakad malapit sa tirahan ng pamilya sa mga oras matapos maganap ang krimen, bukod sa may rekord na rin ang binata sa pagkakasangkot sa ilang kaso ng mga pagnanakaw

Hindi naman ibinulgar ng pulisya kung sino ang ikatlong persons of interest bagama’t may pahiwatig ang isang kagawad ng pulisya na house helper ang isa pa na posibleng si Rossel Villaralbo na nakatuklas sa bangkay ng bata.

Bagama’t inimbitahan ng pulisya ang tatlo upang isailalim sa mga pagtatanong kaugnay sa nangyaring krimen, hindi lang sa kanila itinutok ng mga imbestigador ang atensiyon kundi patuloy pa rin ang pag=TUGIS sa posibleng may kinalaman sa pagpatay.

Gayunman, dalawang araw makaraan ang malagin na insidente, inaresto ng pulisya si Reynaldo habang pinalaya naman ang dalawa pang inimbitahan na kapuwa kabilang sa mga persons of interest matapos tumugma ang ilang mga bagay at gawain na tumutukoy sa tiyuhin ng biktima upang ituring na pangunahing suspek.

Sa pahayag sa mga mamamahayag ni P/Col. Arcanghel, nasa loob ng bahay si Reynaldo nang mangyari ang krimen, patunay na nakiligo pa siya bago lisanin ang tirahan ng pamilya.

Bukod dito, tanging si Reynaldo lamang ang may hawak ng duplicate key o labis na susi kaya’t siya lamang ang puwedeng maglabas-masok sa loob ng bahay at wala ng iba pa maliban sa mag-asawa at mga anak.

Sa pahayag naman ni PCP-6 commander Insp. Harold Melgar, bukod sa pagnanakaw dahil nawawala ang dalawang cellular phones sa loob ng bahay, panghahalay ang nakikita nilang posibleng motibo sa nangyaring pagpatay.

Todo tanggi naman sa akusasyon si Reynaldo bagama’t inamin niya na totoong nakiligo siya sa bahay ng kapatid na hindi naman minsan lamang niyang ginagawa at nasa kanya rin ang duplicate key dahil umaakto rin siya bilang tagapag-bantay sa buong kabahayan.

Sa pahayag sa media ni P/Col. Arcanghel, sinabi niya na umamin na si Reynaldo sa ginawang pagpatay at nagawa ito dahil galit siya sa kanyang bayaw.

Ayon kay Col. Arcanghel, dalawang beses aniya niyang kinausap ng masinsinan si Reynaldo at umamin umano sa nagawang krimen. Ikinuwento pa umano ni Reynaldo na nadatnan niya ang pamangkin nang pumasok siya sa bahay na nag-iihaw pa ng manok.

Gayunman, aminado ang opisyal na hindi nila magagamit sa paghahain ng asunto ang pahayag ng suspek dahil sinabi niya ito nang walang kaharap na abogado na kanyang pipiliin.

Hindi naman makapaniwala ang mga kapatid ni Reynaldo na magagawa nitong paslangin ang pinakamamahal niyang pamangkin lalu na’t sila at wala ng iba pa ang tunay na nakakakilala sa pagkatao at tunay na pag-uugali ng lalaki.

Maging ang ina ni Myrrhaquel na si Raquilina ay hindi makapaniwala sa resulta ng ginawang imbestigasyon ng pulisya dahil simula’t sapul ay buo ang tiwala nila kay Reynaldo na nagpakita ng pagmamahal sa tatlo nilang anak ni Colenso.

Bukod dito, sinabi ni Raquilina na bukod sa pagiging mag-pinsan ay matalik pang kaibigan ng kanyang bunsong anak ang 12-anyos ding anak ng kanyang kapatid na si Reynaldo.

Sa kabila ng mga agam-agam, sinabi ni Raquilina na kung talagang ang kapatid niya ang may kagagawan, dapat lamang na mabigyang hustisya ang pagkamatay ng kanilang bunsong anak at kung hindi naman ay nararapat lamang siyang palayain dahil ayaw naman nilang maakusahan ang taong wala namang kasalanan.

Nang isailalim naman sa inquest proceeding noong Enero 25 araw ng Biyernes si Reynaldo, tahasan niyang ikinaila ang mga akusasyon at sinabi hindi niya magagawa ang paslangin ang kanyang pamangkin.

Sinabi niya na puro kasinungalingan lamang ang mga ipinahayag niya sa pulisya dahil takot na takot na siya sa posibleng mangyari sa kanya lalu na’t binantaan umano siya na wala na siyang lusot.

Ayon pa kay Reynaldo, naniniwala siya na may iba pang tao sa loob ng bahay na posibleng may kagagawan ng krimen bagama’t hindi niya matukoy kung sino ang isa pa. Iginiit niya na naniniwala siyang lalabas din ang katotohanan at mapapawalang-sala siya sa krimen,

Sa kabila ng pagtanggi ni Reynaldo na may kinalaman siya sa pagpatay sa sariling pamangkin, sinampahan pa rin siya ng kasong murder sa Caloocan City Prosecutor’s Office ng Caloocan city police batay sa mga circumstancial evidence na iprinisinta ng pulisya.

Hindi naman ginamit ng imbestigador ang umano’y ginawang pag-amin ng suspek sa krimen lalu na’t batid nila na hindi ito tatanggapin ng tagausig dahil wala namang kaharap na abogado na personal niyang pinili nang aminin umano ang pagpatay.

Enero 28, araw ng Lunes nang ihatid sa kanyang huling hantungan si Myrrhaquel dakong alas-3 ng hapon sa Divine Garden Memorial, Loma De Gatos a Bulacan na sinaksihan, hindi lamang ng kanyang buong pamilya kundi ng napakarami nilang kaibigan.

Maging ang mga ka-klase ni Myrrhaquel sa pinapasukang paaralan sa St. Benedict School of Novaliches ay nagpahayag din ng labis nilang kalungkutan dahil hindi na nila kailanman makakapiling ang masayahin, mabait at malambing nilang kaibigan.

Lumabas sila ng silid-aralan at humanay sa labas ng paaralan upang ipakita ang kanilang kalungkutan at pagdadalamhati sa paghahatid ng kanilang ka-klase at kaibigan sa kanyang huling hantungan.

Araw ng Lunes noong Pebrero 11 nang maghain ng kanyang counter-affidavit si Reynaldo sa Caloocan City Prosecutor’s Office, kasama ang kanyang mga kapatid at pamangkin, kabilang si Raquilina na ina ng napaslang na si Myrrhaquel.

Sinabi ni Raquilina na doble ang dagok ng trahedya sa kanilang pamilya dahil bukod sa naghahanap sila ng hustisya sa pagkamatay ng bunso nilang anak ng asawang si Colenso, hustisya rin ang kanilang hinahanap sa pagkakadakip naman ng pulisya kay Reynaldo sa paniwalang walang siyang kinalaman sa krimen.

Noong araw ding yun, sinabi ni Raquilina na iniuurong nila ang kaso laban kay Reynaldo sa paniwalang walang kinalaman ang kapatid sa pagpatay sa sariling pamangkin.

Tinanggap naman ni Caloocan Assistant City Prosecutor Armando Cavalida ang iprinisintang counter-affidavit ni Reynaldo, pati na ang ginawang pag-atras ng pamilya Singson sa kasong isinampa ng pulisya laban sa suspek at sinabing pag-aaralan muna niya ang mga dokumento bago maglabas ng resolusyon.

Makaraan ang apat na araw, naglabas ng desisyon si Assistant City Prosecutor Cavalida na nagpapawalang-sala kay Reynaldo bagama’t kinakailangan pa munang aprubahan ang kanyang resolusyon ni city chief prosecutor Ferdinand Valbuena.

Matapos pag-aralan ng city chief prosecutor ang mga dokumento at resolusyong inihain sa kanyang tanggapan ni Cavalida, inaprobahan niya ang desisyon sa paniwalang walang sapat na basehan ang pulisya sa ginawang paghahain ng kaso at iniutos ang pagpapalaya kay Reynaldo, maliban na lamang kung may iba pa siyang kinakaharap na kaso.

Noong Pebrero 21, 2019, tinanggap ng Caloocan City Custodial Facility ang kautusan ng piskalya para palayain si Urbano kaya’t kasama ang kanyang asawa, kapatid ang mga anak na sumundo sa kanya sa kanyang paglaya.

Nakasaad naman sa resolusyon ni Assistant City Prosecutor Cavalida na kung iuutos niya ang pag-akyat ng kasong murder sa hukuman, mistulang tatahakin na ni Reynaldo ang kawalan ng hustisya lalu na’t maging ang pamilya ng napaslang na si Myrrhaquel ay naniniwalang wala siyang kinalaman sa krimen, patunay ang pag-atras nila sa pagsasampa ng kaso.

Ayon pa sa tagausig, noong una ay nagdadalawang-isip pa siyang ibasura ang kaso at hahayaan na lamang sana niya ang korte ang magdesisyon subalit nang kausapin siya ng mismong ina ng isa sa mga nauna ng naging “person of interest” ng pulisya at inamin na may posibilidad at malakas ang kanyang kutob na may kinalaman ang kanyang anak sa krimen, dito na siya nagpasiyang ibasura ang kaso laban kay Reynaldo.

Nagpahayag din ng kahandaan ang kapatid ni Raquilina na maimbestigahang muli ang kanyang anak upang alamin ang kanyang posibleng partisipasyon sa krimen.

Bukod dito may mga bagong ebidensiyang nakalap kaugnay sa krimen na hindi nabigyang pansin ng pulisya dahil nakatutok sila kay Reynaldo na tanging may hawak ng duplicate key ng bahay at malayang nakakapasok sa loob anumang oras.

Sinabi ng tagausig na batay sa nakita sa close circuit television (CCTV) camera ng barangay na nakalagay sa naturang lugar, nakita ang sinasabing isa pang person of interest na nakatayo sa harapan ng bahay ng pamilya Singson at muli siyang nakita na naglalakad palayo na sa bahay ng biktima sa mga oras na tumutugma nang mangyari ang krimen, suot ang damit na kabilang sa nawawala sa loob ng bahay.

Hindi aniya nabigyang pansin ito ng pulisya sa kanilang pagsisiyasat sa kabila ng ginawang imbitasyon sa lalaking anak ng kanyang nakababatang kapatid.

Sa panig naman ni Caloocan police chief P/Col. Restituto Arcanghel, sinabi niya na hindi pa rin sila kumbinsido na walang kinalaman sa krimen si Reynaldo at handa silang muling isampa ang kaso sa oras na tumugma sa kanya ang mga nakuhang fingerprints ng SOCO at sila mismo ang tatayong complainant kapag tumanggi ang pamilya ng nasawi.

Bunga nito, ipinasiya naman ni Colenso na ilapit na sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kaso sa nangyaring pagpatay sa kanyang anak sa paniwalang nakakalaya pa ang tunay na salarin na may kagagawan sa krimen.

Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang mga ahente ng NBI at kaagad silang nagsagawa ng panibagong imbestigasyon at kinalap pati na ng kuha ng CCTV ng barangay kung saan nakita ang isa pang person of interest sa harapan ng bahay nang mga oras at araw nang maganap ang krimen.

Habang papalapit na ang mga ahente ng NBI na malutas ang kaso ng pagpaslang kay Myrrhaquel, nagpasiya ng sumuko noong Marso 27, araw ng Miyerkules si King Angelo Sese at inamin ang ginawang pagpatay sa pinsang si Myrrhaquel.

Sa pahayag ni Sese, nasa impluwensiya siya ng ipinagbabawal na gamot nang pasukin ang bahay ng kanyang tiyahin para magnakaw subalit inabutan niya sa loob ang biktima.

Ayon pa sa suspek, tinangka lamang niyang patahimikin ang pinsan subalit kumuha umano ng patalim ang bata para ipagtanggol ang kanyang sarili kaya’t inunahan na niya ng saksak at gilitan ang leeg.

Idinugtong pa ni Sese na labis siyang binabagabag ng kanyang konsensiya sa nagawang krimen sa pinsang babae kaya’t nagpasiya na siyang sumuko upang matahimik ang kanyang isipan.

Humingi rin siya ng patawad sa pamilya Singson at sinabing handa niyang pagdusahan ang kanyang nagawang pagpaslang kay Myrrhaquel bilang kabayaran.

Aniya, nagsinungaling siya nang imbitahan at isailalim sa imbestigasyon ng pulisya kaya’t pinalaya siya habang nadiin naman ang kanyang tiyuhing si Reynaldo.

Hindi naman maisailalim ng mga ahente ng NBI sa inquest proceedings si Sese dahil lumagpas na sa takdang araw mula nang mangyari ang krimen ang kanyang pagsuko kaya’t marami ang mga kaibigan at kaanak ng pinaslang ang nanghihinayang sa posibleng pagka-diskaril ng kaso laban sa suspek.

Gayunman, sa kanyang facebook account, ipinaliwanag ni Colenso sa mga nananawagan ng katarungan sa pagkamatay ng kanyang anak na iniingatan lamang ng mga awtoridad ang wastong paraan ng paghahain ng kaso upang hindi mauwi sa wala ang usapin.

Isasagawa aniya ang paghahain ng kasong robbery with homicide laban kay Sese sa pamamagitan ng preliminary investigation kung saan haharap sa tagausig ang magkabilang panig upang magbigay ng salaysay.

Sa kanilang mga isusumiteng affidavit at salaysay ng suspek ibabatay ng tagausig kung may sapat na ebidensiya upang isampa sa korte ang usapin at sa kaso aniya ng sumukong suspek na umamin sa krimen, magiging madali na para maiakyat ang kaso at makapaglabas ng warrant of arrest ang hukuman.

Hindi rin nangangamba si Colenso na mababasura ang kaso lalu na’t nagkaisa na ang pamilya, pati na ang ina ni Sese na ituloy ang usapin upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Myrrhaquel.

Sa mga kriminal nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran. -30-