Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Katas ng pork import pang-eleksiyon

0 303

Inugnay ni Senate President Vicente Sotto III ang pagbaba ng taripa at ang pagtaas ng minimum access volume (MAV) sa imported na karne ng baboy, sa nalalapit na halalan 2022.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Sotto na 2018 pa lang ay may African swine fever (ASF) at hindi umano ito dapat gamitin na dahilan para sa nasabing kautusan sa pag-angkat ng baboy.

“Nakapagtataka, 2018 pa ‘yun, ‘di ba? Bakit ngayon, kung kailan mag-eeleksiyon, biglang kailangan itaas ‘yung minimum access volume na napakataas, at ibababa ang taripa, ang tax?” pahayag ni Sotto sa panayam.

“Aba’y may gustong kumita eh. Hindi ba obvious?” aniya.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kung kulang umano ng suplay ng baboy sa Luzon, dapat kumuha na lang sa Visayas at Mindanao.

Kuwestiyon pa ng senador, “May oversupply, kaya nga tinatanong ko ano ba ang mas mahal, mag-import ng pork galing ng Belgium papuntang Pilipinas, o mag-import ng pork galing ng Mindanao at saka Visayas papuntang Luzon?”

“Siguro, itong mga importer na mga nasa likod nito, eh gustong kumita ng biglaan, eh baka kakailanganin nila pagdating ng election.”

Kaugnay nito, hinikayat ng Senate Committee of the Whole si Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang kautusan nito na pagbaba sa taripa ng pork importation at dagdag na MAV. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.