Abante Tonite Interactive

Kathryn destiny si Daniel

574

Ni: Ronaline Avecilla

Hindi lubos akalain ni Kathryn Bernardo na ang pagsasama nila sa isang teen show ng Kapamilya actor na si Daniel Padilla ang magbubuklod sa kanila hanggang ngayon.

Naniniwala kaya siya na destiny silang maging love team?

“Ako naniniwala ako doon. Parang pinlano talaga lahat, ganu’n talaga eh, na hindi mo in-expect na mangyayari talaga that time. ‘Yun ang nangyari sa’min ni DJ. So, maganda siyang sorpresa para sa amin pareho.”

Sino ang mag-aakala na ang samahan nila mula reel love team ay mauuwi sa real? At ngayon nga ay opisyal nang in a relationship sila at buking na nasa pitong taon na ang relasyon. Paano kaya nakaapekto ang pagiging open nila sa publiko sa relasyon nila ng aktor?

Pag-amin ni Kath, “Siguro nakatulong din, tsaka ang sarap na sa interview, open ko nasasagot ‘yung mga tanong nila, walang filter, mas madali sa amin ‘yun. Okay, okay sa amin lahat. Happy rin ako na ang daming gagawin ni DJ this year.”

Katulad ng mga ordinaryong relasyon, dumadaan din sila sa mga oras ng hindi pagkakaunawaan. Paano kaya naging matibay ang KathNiel sa loob ng pitong taon?

Aniya, “Trust lang at saka ini-enjoy lang namin. Hindi namin sinasakal ‘yung isa’t isa. May sarili siyang buhay, meron din kami together. Hindi namin minamadali lahat.”

16 taon sa showbiz

Bata pa lang ang Kapamilya aktres na si Kathryn ay namulat na ito sa mundo ng showbiz. Marami ang saksi sa kanyang paglaki bilang isang mahusay na aktres.

Subalit sino kaya si Kathryn Bernardo bago pumasok sa showbiz? Sino si Kathryn noon?

Aniya, “Siguro si Kathryn ‘yung mahiyain, mas hindi pa alam kung anong gusto and siyempre mas bata pa sa pagde-decide ng mga bagay.”
Sa kanyang 16 na taon sa mundo ng showbiz, paano siya nag-grow bilang artista?

“Individually ako, ramdam ko ‘yung nag-matured ako kasi nand’yan din si DJ, siya ‘yung malaking parte ng maturity na ‘yun. Ayun alam ko na ‘yung gusto ko, alam ko na ‘yung tama sa mali.”

Niyakap ang pagiging morena

Isa si Kathryn sa may magagandang mukha sa industriya. Mayroon kaya siyang insecurity sa sarili?

“Oo naman, madami. Cheeks, ‘yung pagiging morena ko, pero ‘yun ‘yung natutunan kong tanggapin. I love being morena. Gusto ko turuan especially Filipina girls to embrace being morena. May mga days na feeling mo panget ka.”

Madamot kay DJ

Ano ang reaksyon niya na maraming naseseksihan sa boyfriend niya?

“Well, nakaka-proud and compliment ‘yun for DJ talaga eh. Happy ako na hindi na nila nakikita si DJ as baby boy. Minsan sabi ko ‘okay lang, mga pants mo ‘wag mo lang masyadong sikipan. Kasi kung sikipan mo ‘yung pants mo bahala ka lalo ako magseseksi.’”

Anyway, kakaiba ang taon na ito para sa celebrity couple. Hindi sila magka­tambal sa susunod nilang mga pelikula. Natatakot ba siya na may ibang makakapareha?

Aniya, “I was so scared po noong mga time na ‘yun. Takot ako sa magiging reaksyon ng mga tao, sa magiging reaksyon ni DJ, kasi ako sa sarili ko kapag may iba siyang makaka-partner ‘di ko rin alam mapi-feel ko. Alam ko mahu-hurt siya and ‘yun.”

Pero nakapag-usap naman sila ni DJ. May upcoming movie si Kath sa Pambansang Bae na si Alden Richards. Ito’y pinamagatang “Hello, Love, Goodbye.” Kasalukuyan na nga silang nagsu-shooting ngayon sa Hong Kong.

Ano ang nagpa-oo sa aktres na makasama sa pelikula si Alden?

“Alam mo halo-halo, kung tatanungin niyo ako kung kinaka­bahan ako, yes. Kinakabahan ako and nai-excite ako kung anong mangyayari dito, kung paano kaming dalawa. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko pero for sure I’m very happy and nervous and excited, all at the same time.”

Paano naman kaya kung si Daniel ang ipareha sa iba?
“Ay ‘di ko po alam, never akong naging ready doon but I have to be ready kasi I have to let him go also,” pagtatapos niya.

KathNiel proposal aprub kay Mommy Min

Kamakailan lang ay na-intriga ang KathNiel dahil sa caption ng ina ni Kath na may nag-propose raw diumano. Kalaunan naman ay nilinaw na biruan lamang ito ng ina at tito niya.

Kidding aside, kung sakaling mag-propose ang aktor sa kanya, ready na ba siya?

“Hindi muna siguro, open ako sa ideya pero kailangan pa namin magtrabaho,” diretso niyang sagot.

Paano kung dumating sa punto na handa na ang dalawa? Ready kaya ang mother ni Kath na si Mommy Min na ikasal siya?

“Actually open siya, si Mama sinasabi niya na, ayaw rin niya late kaming magpakasal, okay siya. Si Mama sinasabi niya na at 25 or 26, sige Go. Kasi gusto rin ni Mama na ma-enjoy ko. Kasi si Mama maagang nagkaanak. Parang at 19 kay Ate, gusto niya ‘yung mai-experience ko ‘yung nagagawa mo lahat. Si Mama cool ‘yan,” pakli niya.