Abante Tonite Interactive

Kathryn, Sarah dapat kabahan kay Janine

566

RODEL FERNANDO: Hindi ko masyadong sineryoso ang pagkakapanalo ni Janine Gutierrez bilang Best Actress sa Q Cinema International Film Festival para sa pelikulang “Babae at Baril”. Unang-una, hindi ko pa kasi napapanood ang pelikula tsaka kahit nabigyan na siya ng pagkilala sa Urduja Heritage Awards ay hindi pa rin ako kumbinsido sa pag-arte niya. Although, hindi naman siya ham actress na maituturing.

Nagkaroon kami ng pagkakataon na mapanood ang pelikula sa special screening nito noong Biyernes sa Gateway Platinum Cinema at isa kami sa namangha sa ipinamalas na pag-arte ni Janine. Kung tutuusin, napakahirap ng role na ginampanan niya bilang isang babaeng napuno ng poot at paghihiganti sa kawalanghiyaang ginawa sa kanya. Kung mahina-hina ang gumanap dito ay hindi ito mabibigyan ng justice, pero iba ang Kapuso star. Buong ningning niyang naitawid ang kanyang karakter at kapuri-puri ang kanyang pagganap mula sa tahimik hanggang sa maingay nitong mga dayalog.

Dahil dito, puwede nang kabahan sina Kathryn Bernardo at Sarah Geronimo na kapwa magagaling din sa kanilang mga pelikula. Nasabi ko tuloy na si Janine pala ay anak ni Lotlot de Leon na isang magaling na aktres at apo lang naman ng mga beteranong aktor at aktres na sina Cristopher de Leon at Nora Aunor. May pinagmanahan ang dalaga kaya lang kahit nagandahan kami sa akting ni Janine ay hindi namin nagustuhan ang kabuuan ng pelikula. May mga iilang butas kaming napansin pero outstanding naman ang cinematography, production design at ang scoring nito.

ROMMEL PLACENTE: Ako ka-Cuatros na Rodel, napanood ko ang pelikulang “Hello, Love, Goodbye” na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards. And in fairness, napakahusay dito ng ka-love team at girlfriend ni Daniel Padilla. Lutang na lutang ang akting niya sa lahat ng kanyang eksena. Muli niyang pinatunayan na isa siya sa pinakamahuhusay na aktres sa kanyang henerasyon. Kaya sabi namin sa aming sarili, posibleng ma-nominate siya for Best Actress category sa iba’t ibang award-giving bodies next year. Malaki ang tsansa na manalo siya. Pero after watching “Babae at Baril” nasabi namin na may mahigpit na kalaban pala si Kathryn for Best Actress category. Totoo, napakahusay dito ni Janine. Subdued ang akting na ipinamalas niya. Kakaibang Janine ang mapapanood sa pelikula. Masasabi namin na ito ang pinakamagandang role na nagawa ng aktres so far.

Hindi pa tapos ang taon, puwedeng may mga pelikula pa na ipapalabas na mahuhusay du’n ang mga aktres na nagsisiganap ‘di ba? Wait na lang natin kung sino ba ang mag-uuwi ng Best Actress trophy sa susunod na taon pagsapit ng awards season.

MILDRED A. BACUD: Tama ka d’yan ka-Cuatros Rodel. To be honest, now ko lang napanood si Janine sa isang pelikula. In fairness, nakakaarte siya at mahusay ha. Sabi nga niya sa interview during the said premiere night ng “Babae at Baril”, pinaglaban daw talaga nila ng manager niyang si Leo Dominguez sa GMA na tanggapin ito dahil challenging ang role. Bukod sa deglamorize ang karakter niya ay kakaiba sa mga nagawa na niyang roles. Bongga naman ang resulta, she won the Best Actress award sa Q International Cinema Film Festival na dinaluhan ng iba pang nominees sa iba’t ibang bansa. Nakakatuwang kuwento pa niya, may lumapit daw na foreigner sa kanya not sure of what country at nagsabing ang ganda-ganda raw pala niya sa personal. Napakalayo sa karakter at hitsura na napanood nila sa “Babae at Baril”. Nagpasalamat naman daw siya at mas lalong nakumpirma sa sarili na nagampanan niya nang maayos ang kanyang role.

Tama nga ‘yan Janine, accept challenging roles at makukuha mo ‘yan sa pagtanggap ng indie movies.

RONA AVECILLA: In fairness sa boyfriend ni Janine na si Rayver Cruz, talagang suportado sa aktres dahil hindi nawalay sa tabi niya maging sa special screening. Talagang sinamahan niya at proud siya sa achievement ng dyowa.

Ang husay naman kasi ni Janine. Mukhang siya na ang susunod na mag-aakyat ng maraming karangalan sa pamilya niya. Hindi napuputol sa lahi nila Nora Aunor ang magagaling sa pag-arte.

Tinatanong tuloy kung sino na ang mas magaling kina Nora, Lotlot at Janine.

Acting-wise, sa kanilang tatlo, para sa akin ay wala pa ring makakatalo sa husay ni Nora. Sumusunod lang sila sa yapak nito.