Abante Tonite Interactive

Kathy hindi scammer

2,327

May nag-text sa amin, kilala lang namin siya sa pangalan sa pamamagitan ng mga kaibigan niyang artista, mabait daw siya at very generous sa mga personalidad na dinadala niya sa Brunei.

Kathy Dupaya ang kanyang pangalan, gusto raw niyang magpa-interview dahil sinisiraan siya ni Ynez Veneracion, binigyan namin siya ng pagkakataong magsalita sa Cristy Fer Minute.

Nagagalit siya kay Ynez dahil pinalalabas diumano ng aktres na isa siyang scammer. Nagnegosyo raw sila sa Brunei, nagpapautang sila ng pera, six percent ang napupunta kay Ynez at dalawang porsiyento lang ang ginaga­nansiya niya.

Naibalik na raw niya ang puhunan pati ang tubo na kinita ng pera ni Ynez, two hundred sixty thousand na lang daw ang kanyang balanse dahil natakbuhan siya nang milyones ng kanyang kolektor, pero sa halip na maghintay ay sinisiraan pa siya ngayon ni Ynez.

Ayon kay Kathy Dupaya ay walang utang na loob ang sexy star, pagkatapos daw niyang pakitaan ito ng pagmamagandang-loob ay sinisiraan pa siya ngayon, ganu’n daw ba ang mabuting kaibigan?

“Sa sampung nagawa kong maganda sa kanya, isa lang itong inirereklamo niya, ganu’n na lang ba kadaling itapon ‘yun? Pinalalabas pa niya akong scammer nga­yon, pinadama ko lang daw siya, samantalang ngayon lang naman ako na-late sa pagbibigay ng pera niya!” umiiyak na deklarasyon ni Kathy Dupaya.

Kinagabihan ay tinawagan naman kami ni Ynez Veneracion, nagbigay ng kanyang panig ang aktres, kaya sa ngalan ng pagi­ging parehas ay ang kanyang paliwanag naman ang ilalabas namin sa pahinang ito bukas.