Abante Tonite Interactive

Katiting na bentahe sa Magnolia

By
1,585

Lamang na ang Magnolia 3-2 kontra NLEX sa PBA Philippine Cup semifinals, pero wala pang dapat ipagdiwang ang Hotshots.

Ayon kay Magnolia coach Chito Victolero, may kaunting bentahe lang sila, pero hindi pa tapos ang best-of-seven series.

“We need four wins to go to the Finals,” giit ni Victolero pagkatapos ng 87-78 panalo ng Hotshots Linggo ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo.

May dalawang tsansa ang Hotshots para kumpletuhin ang biyahe sa kampeonato, una sa Game 6 mamaya sa Smart Araneta Coliseum.

Sa first six minutes ng final stanza, naghigpit sa depensa ang Magnolia at isang field goal lang ang binigay sa NLEX. Sa bawat sablay ng Road Warriors ay nakakakuha ng basket ang Magnolia para lumayo ng hanggang 84-66 sa 3 ni Paul Lee.

Hindi na nakarekober mula roon ang NLEX.

Tumuka si Mark Barroca ng 18 points at seven rebounds para pangunahan ang Hotshots, tumapos si Lee ng 15 tulad ng produksiyon ni Aldrech Ramos na may nine rebounds pa.

Iginuhit ni Kiefer Ra­vena ang 10 sa kanyang 21 points sa fourth pero hindi nagawang ibalik sa laro ang Road Warriors.