Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Katoma niyari, bangkay hinulog sa bangin

0 69

Matapos pagbantaang papatayin ay inunahan na ng isang lalaki na kitilin ang buhay ng kanyang kainuman at upang itago ang gina­wang krimen ay isinako niya ang bangkay at saka itinapon sa bangin, Huwebes sa Agmalig, Libacao, Aklan.

Kahapon ay sinampahan na ng kasong murder sa piskalya ang suspek na si Ricky Alegria, nasa hustong gulang matapos patayin si Edmund Arias, 43, taga-Barangay Pinunoy ng bayang ito.

Sa record ng pulis­ya, alas-10:00 ng gabi nitong Huwebes nang magtalo sa inuman sina Arias at Alegria na nauwi sa pagbabanta ng una na papatayin ang huli, pati na ang pamilya nito.

Matapos magtalo ay tumayo na si Arias upang umuwi subalit lingid dito’y sinundan siya ni Alegria at nang makakuha ng tiyempo ay saka ito umatake.

Nakuha ng suspek ang bag ng biktima at ang strap nito ang ipi­nansakal sa kaaway hanggang sa mamatay.

Upang maitago ni Alegria ang krimen ay isinako niya ang bangkay ni Arias bago ito itinapon sa bangin.

Dahil ayaw patahimikin ng konsensiya ay nagdesisyon ang suspek na isiwalat sa ama ang ginawang krimen at Sabado ng umaga nagtungo ang mag-ama sa tanggapan ng alkalde upang humingi ng tulong at sumuko.

Sinamahan din ng suspek ang pulisya sa bangin kung saan niya itinapon ang bangkay ng biktima. (Edwin Balasa)

#TunayNaTabloidista
#ToniteNews

Leave A Reply

Your email address will not be published.