Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Katoma tinodas, sinako ng magdyowa

0 45

Sinakal hanggang sa mamatay at saka inilagay sa sako ang bangkay ng isang lalaki na umano’y nagtangkang halayin ang kainumang babae sa Taguig City noong Biyernes ng gabi.

Nakilala lang sa alyas na `Troy’ ang biktima habang arestado naman ang mga suspek na mag-live in partner na sina Gabby Ignacio at Bryjane Colot, parehong 24-anyos at mga residente ng Brgy. Tanyag, Taguig City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Jimili Macaraeg, natuklasan ang sakong pinagsidlan ng bangkay ng biktima bandang alas 7:30 ng umaga kahapon.

Papasok umano sa kanyang trabaho ang construction worker na si Jake Zeus Martinez, 33-anyos, nang makita niya ang sako na may bangkay sa kahabaan ng Brgy. Tanyag.

Agad na nagtungo ang mga tauhan ng Sub-Station 8 sa lugar para magsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkaka-aresto sa mga suspek.

Inamin umano ni Colot na nag-text siya sa biktima na magkita sila sa Walter Mart para yayain itong mag-inuman sa kanilang bahay alas-otso ng gabi.

Lasing na umano ang suspek nang sunggaban siya nito at yayaing magtalik sila pero pumiglas umano siya at lumabas ng bahay.

Dumating umano si Ignacio at nagkasagutan ang dalawa hanggang sakalin ito ng una hanggang sa mapatay niya ito.

Nagtulong umano ang dalawa para isilid sa puting sako ang bangkay ng biktima at saka nila ito dinala sa tapunan ng mga basura malapit sa kanilang lugar. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.