Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Katotohanan at hustisya

0 130

Ang isang tunay na lider hindi tumitingin sa estado ng pamumuhay ng kanyang nasasakupan. Kailangang pantay-pantay: walang mahirap, walang mayaman.

Nabanggit namin ito dahil sa kontrobersyal na kaso ngayon sa misteryosong pagkamatay ng artist na si Bree Jonson kamakailan kung saan ang person of interest ay si Julian Ongpin na anak ng bilyonaryong si Roberto Ongpin.

Kadalasang sinasabi ng iba na kapag mayaman ang suspek, wala ng pag-asang makamit ng biktima ang hustisya. Pero para kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar, hindi dapat maging isyu kung gaano pa kayaman ang mga sangkot.

Nang pumutok ang balitang nasasangkot ang batang Ongpin sa pagkamatay ni Jonson na sinasabing nobya nito sa isang resort sa La Union kamakailan, agad ipinag-utos ni PNP chief Gen. Eleazar kay PBGen Emmanuel Peralta, Regional Director ng Police Regional Office 1, na tingnan ang lahat ng anggulo sa pagkamatay ni Jonson para malantad ang katotohanan sa pagkamatay nito.

“Nasampahan na ng kaukulang kasong may kinalaman sa iligal na droga ang kasintahan ni Bree Jonson na si Julian Ongpin matapos itong mag-positibo sa drug test at makuhanan ng cocaine sa kanilang inuupahang kuwarto sa isang resort sa La Union. Sa aking huling pakikipag-usap sa RD, PRO1 PBGEN Emmanuel Peralta, nagdesisyon ang Provincial Prosecutor’s Office na palayain si Ginoong Ongpin habang ini-imbestigahan ang kaso,” pahayag ni PGen Eleazar.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Base sa inisyal na report, natagpuang wala nang buhay si Jonson sa loob ng Floatsam Jetsom Resort sa San Juan, La Union noong Setyembre 18. Sinabi ni Julian na nag-suicide ito. Nakakita ang mga imbestigador ng 12.6 gramo ng cocaine sa kuwartong tinuluyan nina Bree at Julian. Lumabas din sa pagsusuri na positibo sa cocaine use ang dalawa. May mga sugat din sa braso si Julian habang meron din umanong sugat sa leeg at braso si Bree. Nakita rin sa CCTV footages ng resort na nag-away ang dalawa bago namatay si Bree. Pinakawalan si Ongpin pero hindi ang pulisya ang nagdesisyon kundi ang korte dahil wala pa umanong sapat na basehan para ikulong ito.

“Hinihintay lamang ng inyong PNP ang pagsasagawa at ang resulta ng autopsy sa mga labi ni Binibining Jonson upang malaman kung may karagdagang kaso na isasampa laban sa kanyang kasintahan,” pahayag ni PGen Eleazar.

Walang isyu kay Eleazar kung bilyonaryo man ang pamilya ni Julian Ongpin. “Your PNP applies the law without fear or favor. Mayaman man o mahirap, patas ang pagpapatupad natin ng batas dahil hindi lang dangal ng PNP ang nakataya dito kung hindi ang pagtitiwala ng sambayanang Pilipino on the basic but important concept of rule of law,” pahayag ni Eleazar.
Sinabi rin ni PGen Eleazar na inatasan na niya ang mga kinauukulang yunit ng pulisya na mag-coordinate upang matiyak na madaling mapupuntahan si Ongpin anumang oras ito kailangan sa takbo ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Jonson.

Ngayong nakatutok ang sambayanang Pilipino sa magiging resulta ng imbestigasyon, simple pero mabigat ang mensahe ng katiyakan ang ibinigay ng ating PNP chief: KATOTOHANAN AT HUSTISYA. Malalantad ang katotohanan sa sinapit ni Bree at kung may pananagutan si Julian Ongpin, hindi sagabal ang pagiging mayaman o super yaman nito. Mismong si PGen Eleazar ang nagsabing dangal ng PNP at pagtitiwala ng sambayanang Pilipino ang nakataya. Alam nating hindi sisirain ni PGen Eleazar ang kanyang binitiwang salita.

Leave A Reply

Your email address will not be published.