Abante Tonite Interactive

Katotohanan sa sleep paralysis

614

Ano ba ang tinatawag na sleep paralysis? Ito ‘yung sa oras ng iyong pagtulog o biglaang paggising ay hindi ka makagalaw na para kang naparalisa suba­lit gising ang iyong diwa.

Ang mga sumusunod ay ang mga katotohanang nangyayari kapag ikaw ay inaatake ng sleep paralysis.

1. Ayon sa mga nakaranas na nito, sleep paralysis ang nangyayari sa’yo kung ikaw ay nagising na tila ang diwa mo lang ang nagising subalit ang iyong katawan ay nananatiling tulog at walang kakaya­hang gumalaw.

2. May pagkakataon na inuutusan ng iyong utak ang iyong katawan na mag-relax habang ikaw ay natutulog upang hindi ka makagawa ng anumang bagay na makakasakit sa’yo ng pisikal habang ikaw ay tulog. Wala kang kakayahan na magsalita o igalaw ang iyong muscles subalit patuloy kang humihinga.

3. Nangyayari rin ang sleep paralysis sa pagitan ng pagtulog at paggising.

Kapag ikaw ay papunta na sa malalim na pagtulog subalit tila may kung anong hahadlang at bigla ka na lang mapupunta sa paggising.

Kung ito ay mangyayari na ikaw ay patulog pa lang ito ay tinatawag na hypnagogic sleep paralysis. Kung ito naman ay nangyari na ikaw ay malapit na sa paggising, ang tawag naman dito ay hypnopompic.

4. May mga nakakaranas din naman ng hallucinations habang sila ay napaparalisa sa pagtulog. ‘Yung tipong may nakikita silang nakakatakot na imahe sa loob ng kuwarto o sa mismong harapan nila na nakadagan sa kanila. Dahil dito lumala­kas ang tibok ng kanilang puso at nahihirapan silang huminga sa sobrang takot.

5.Ang sleep paralysis ay hindi nakamamatay. Hindi ito tulad ng isang bangungot na nagiging sanhi ng kamatayan ng isang tao habang siya ay natutulog. Ang sleep paralysis ay nangyayari lamang sa loob ng ilang seguno o minuto. Para maiwasan ito kailangan mong gumawa ng paraan kung paano ka magkakaroon ng better sleep at huwag din kakalimutan na magdasal bago matulog. (Geraldine Monzon)