Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Katrabaho kinatay sa walwalan

0 94

Nagwakas sa madugong trahedya ang masayang inuman ng mga trabahador nang mauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa pagtulungang gilitan sa leeg saka pagtatagain ang isa nilang kasamahan sa construction site sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Namatay noon din dahil sa mga malalim na sugat sa leeg, taga sa mukha at katawan ang biktimang si Lester Ayala Tibar, 35, may asawa, construction worker at residente ng Bagong Silang, Caloocan City.

Sugatan din ang mga suspek na sina Jonard Ibanez, 23, binata, ng Antipolo City at Melfred Otilla, 32, binata, stay-in sa construction site at taga-Guinobatan, Albay. Pareho silang ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center.

Base sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, bandang alas-9:30 ng gabi nitong Miyerkoles, Oktubre 6, nang mangyari ang krimen sa construction site ng Living Springs Condo sa 21st Avenue, Brgy. Tagumpay sa nasabing lungsod.

SM food to go Banner Ad

Nalaman sa imbestigasyon na matapos ang trabaho ay nagkayayaan na mag-inuman ang biktima at ang mga suspek kasama ang testigong si Giovanni Arnejo sa construction site.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo nang magkalasingan na sina Otilla at Tibag na humantong sa saksakan.

Tinangka umanong umawat ni Ibanez pero sinaksak din siya ni Tibar at pagkatapos ay tumakbo palabas ng construction site subalit hinabol ito ng sugatang mga suspek.

Nakita sa CCTV footage ng Brgy. Tagumpay nang makorner ang biktima ng mga suspek sa 21st Avenue, sa harapan ng Orabella Condominium site, at pinagtulungan gilitan at pagtatagain si Tibar hanggang sa mamatay.

Pagkatapos ay bumalik sa construction site ang mga suspek na kapwa sugatan kaya dinala sila ng mga tanod na sina Rodolfo Muñez at Michael Padua sa nasabing ospital. (Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.