Abante Tonite Interactive

Katuparan ng adbokasya

196

Mukhang tuloy na talaga ang salary ­increase ng mga go­vernment nurse sa susunod na taon dahil parehong itinutulak ito ng mga miyembro ng Kamara at Senado. Wika pa ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike ­Defensor, ­suportado ng Kamara ang P3.18 bilyong alokasyon sa panukalang 2020 national budget para mapondohan ang 48 percent increase sa base pay ng mga nurse sa gobyerno.

“We welcome the Senate’s move to simply charge the P3.18 billion to the Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) in the budget, as we originally proposed,” saad ni Defensor na siyang vice chairperson ng House committee on health.

Paliwanag pa ni Defensor, hindi lang ang mga nurse sa gobyerno ang makikinabang dito kundi pati na rin sa pribadong sektor. Mapipilitan daw kasi ang mga private hospital na itaas ang suweldo ng kanilang mga nurse dahil baka maglipatan ito sa mga government hospital o kaya ay tuluyang mag-abroad.

Matagal-tagal na ring ipinagkait ang tamang pasahod sa mga government nurse. Kahit kasi may Phi­lippine Nursing Act of 2002 na nagtatakda ng Salary Grade 15 sa minimum pay ng mga nurse sa mga ospital ng Department of Health, ang sinusunod ay ang Salary Grade 11 na may katumbas lang na P20,754.

Matapos magdesisyon ang Supreme Court noong Oktubre sa validity ng probisyon ng Nursing Act kung saan P30,531 dapat ang suweldo ng mga government nurse, ang sumunod na naging problema ay kung may pondo ang gobyerno para maibigay ang dagdag suweldo nila. Nagkaroon ito ng kasagutan nang parehong kumilos ang Senado at Kamara.

Sana ay magkatotoo ang wish ni Defensor na maitaas din ang suweldo ng mga nurse na natatrabaho sa mga pribadong hospital. Kung ikukumpara kasi sa kaso ng mga guro sa pribadong sektor, mababa pa rin ang kanilang suweldo kaysa sa mga nagtuturo sa mga public school

Isa lang ito sa mga magandang nagawa ng Anakalusugan Party-list sa Kamara at umaasa tayong marami pa silang gagawin na pakikinabangan ng mamamayan lalo na’t ang beteranong mambabatas na si Defensor ang siyang nagtitimon sa mga ­adbokasya ng nasabing party-list.