Abante Tonite Interactive

Katuparan ng pangako ng Pangulo

0 405

aksyon lady
Kaye Dacer

Mukhang matatapos na ang sakit ng ulo ng publiko sa telco dahil nga sa pagpasok ng isa pang player.

Kaya naman tiyak na winner na naman ang taumbayan sa pangakong naunang tinupad ni Presidente Rodrigo Duterte na pagkakaroon ng bansa ng isa pang telecommunications (telco) player.

Ang tinutukoy natin ay ang third telco player na Mindanao Islamic Telephone Company, Inc. (MISLATEL) na dumaan sa butas ng karayom para manalo sa bidding at makakuha ng prangkisa.

Matapos makompleto ang lahat ng requirements, natanggap na ng MISLATEL mula sa gobyerno ang tinatawag na “Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN)” na nangangahulugang maaari na nilang simulan ang kanilang commitments sa publiko.

Ginawa sa Malacañang ang awarding ceremony na pinangunahan ng Pangulo kasama sina Department of Information and Communications Techno-logy (DICT) Secretary Gringo Honasan at National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Gamaliel Cordoba.

Kung ating matatandaan kabilang sa mga commitment ng MISLATEL ay ang 37.03% national coverage na may average speed na 27 Mbps sa unang taon ng kanilang operasyon. Sa panglimang taon, mapagseserbisyuhan na nila ang 84.01% ng populasyon at magiging 55 Mbps na ang average speed.

Wala ring dapat ipagduda dahil mismong ang Pangulo ang bumuo ng Oversight Committee (OC) kung saan chairman ang noo’y DICT acting secretary na si Eliseo M. Rio at vice chairman si Finance Secretary Carlos G. Dominguez habang OC members naman sina Executive Secretary Salvador Medialdea at National Security Adviser Hermogenes Esperon.

Naging transparent din ang bidding process dahil tumulong ang mga ekspertong ipinadala ng International Telecommunications Union (ITU) sa paggawa ng bidding terms of reference.

Bago ang pagpasok ng MISLATEL bilang isang ganap na telco player ay pinangunahan din ng NTC ang pagsusulong ng isang batas ukol sa mobile number portability.

Ito ay ang Republic Act 11202 o ang “Mobile Number Portability Act,” kung saan ay tinitiyak na panghabambuhay na ang mobile phone number ng isang subscriber kahit magpalit pa siya ng network o mag-postpaid mula prepaid o vice versa at wala itong bayad.

***
Sobrang good news naman ito lalo na nga-yong nasa internet na ang buhay nating lahat.

Siguro naman nga-yong kumpleto na ang requirements ng MISLATEL ay hahayahay na ang ating buhay na mga matagal na naghirap sa kulelat na internet .

Bumaba rin sana ang singilin sa internet dahil nadagdagan ang kakumpetensiya ng dalawang matagal nang internet provider sa bansa.

Kaya naman isa tayo sa nagpapasalamat kay Pangulong Duterte sa katuparan ng kanyang pangako.

Sa pamamagitan ng pagpasok ng bagong telco ay mababawasan na siguro ang tinatanggap kong reklamo sa aking column patungkol sa sakit ng ulong idinudulot sa kanila ng internet.