Abante Tonite Interactive

Kaunting konsiderasyon

By
1,210

Matrapik sa highway. Naiinip na ang mga motorista. May bumubusina, akala mo naman gagaan ang daloy sa ingay na ginagawa niya.

May dumudungaw sa mga bintana at nagtatanong sa mga dyaryo boy kung ano nangyari. Lumalakas din ang benta ng tubig sa mga naiinip at nauuhaw.

Sa malamang, may banggaan sa harapan. At ‘yan ang dahilan ng kakaibang trapik. Ayos lang naman sana. Mauunawaan natin ‘yan. Lalo na kung ito ay may kinalaman sa isang tumaob na trak, naaksidenteng nasagasaang tao, o malakihang salpukan na nagdala ng mga matinding sugat sa mga mananakay at pagiging halos imposible na itulak ang sasakyan dahil sa grabeng wasak nito. Maiintindihan natin ang ganyang scenario.

Pero kung ang kuwento ay sagian lamang ng sasakyan, parang hindi naman yata tama na itigil ang trapik sa highway dahil lang sa kanila.

Sa kuwento, tama nga ang hinala ko. Isang kotse at isang pampasaherong jeep ang nagkabanggaan sa isang U-turn slot. Nagdikit ang kanilang mga gilid at may mahabang gasgas at yupi na natamo ang kotse. ‘Yung jeep, parang wala namang nangyari.

‘Pag nadaan ka na sa mismong pinangyarihan, asahan mo na ito. Cellphone ang hawak ng nagmamaneho ng kotse. Iisipin mo ngayon. Sino ang tinatawagan niya sa gitna ng kalye? Tumatawag kaya siya sa kanyang magulang, asawa o kung sino man na sa tingin niya ay higit na may alam kung ano ang dapat gawin sa mga oras na ‘yon? Hindi niya ina­linta na ang perwisyong dinudulot niya ay nakaapekto sa nakahambalang na sasakyan na umokupa ng dalawang lane ng highway. Habang siya ay nasa telepono? Sa gitna ng highway? Eh wala naman siyang sugat? ‘Di ba talaga puwedeng itabi muna ang mga kotse makatapos ang ilang sandali? At matapos ‘yun ay puwede na niyang tawagan ang lahat ng gusto niyang makausap? Konsiderasyon baga sa mga taong naapektuhan dahil sa aksidente.

Naisip ko lang… kung ‘yung oras na ginugugol niya para ibida ang nangyari sa kausap niya eh ginamit na lang niya para kunan ng litrato ang banggaan at ito ang gamiting ebidensiya pagdiretso niya sa pulis, eh ‘di sana, hindi na lumala ang trapik sanhi ng nangyari. Ang problema kasi, uunahin pa ang kuwento kesa sa aksyon. Habang hinihintay ang traffic investigator na inaabot naman ng siyam-siyam bago makarating sa lugar ng banggaan. Marami nang buhol ang ginawa nito.

Kasama dapat sa pagtuturo ng pagmamaneho sa pagbigay ng lisensya para makapagmaneho ang standard operating procedure kapag nabangga o naaksidente. Ito ay para mapabilis ang pagresolba nito. Hindi na ‘yung tatawag siya at hihingi ng tulong sa kamag-anak niya dahil hindi niya alam ang gagawin. Hindi puwedeng puro drive lang ang alam.

Ang litratong nakunan ng cellphone ang magiging batayan para malaman kung sino ang tama at sino ang mali sa dalawang panig. Hindi na dapat mag-sketch. Maka­bagong panahon na tayo. Gamitin ang gadget hindi para tumawag kundi para gawing ebidensiya.

Maganda rin sanang isabatas ang pagbigay din ng sapat na minuto para itabi ang nasaging mga sasakyan. Sampung minuto ay sapat na para itabi ito at ibalik sa normal ang daloy ng trapiko.

Sa lahat ng itong binanggit, isang bagay lang naman ang gusto nating isulong. Ang pagkakaroon ng konsiderasyon ng isang taong nasama sa aksidente, sa mga motorista na hindi na kailangang maranasan ang matinding kalbaryo ng trapiko dahil lang sa isang simpleng sabitan ng dalawang motorista.