Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kawanggawa ngayong pandemya alinsunod kay San Nicolas de Tolentino!

0 138

Ipinagdiwang kahapon sa maraming probinsiya sa Pilipinas ang Pista ni San Nicolas de Tolentino. Patron siya ng maraming lugar katulad ng Cabanatuan, Iloilo, Mati, Tandag, Surigao, Muntinlupa, Ilocos Norte, Romblon, Surigao, Bataan, Pampanga at Tarlac kung saan matatagpuan ang kanyang dambana, karamihan ay naitayo noon pang panahon ng mga Kastila.

Si Nicolas ay isang prayleng Agustino na isinilang sa San Angelo, Italy noong 1245 sa mga magulang na matiyagang nanalangin kay San Nicolas ng Bari upang magkaroon ng anak. Dahil sa pagiging uliran ng kanyang mga magulang, si Nicolas ay nahubog sa gawang kabanalan mula pa sa kanyang kamusmusan, hanggang sa sumapi sa samahan ng mga paring Agustino.

Sa loob ng mahigit tatlumpung taon, tumigil si Nicolas sa bayan ng Tolentino na pinagpakitaan nito ng maraming kababalaghan at gawang kabanalan, tulad halimbawa ng kanyang malaking pag-ibig sa panalangin at sa Banal na Misa, sa pagpapahirap sa kanyang katawan, higit sa lahat sa pagtulong at paglingap sa mga maralita at maysakit.

Ayon sa kuwento, nakapagpapagaling si Nicolas ng mga may karamdaman sa pamamahagi ng tinapay na iniaalay sa Mahal na Birhen. Binansagan siyang “wonder-worker” ng Tolentino dahil sa ipinamalas na mga milagro sa mga taong nakasalamuha at pinaglingkuran. Nagsilbing tagapamagitan rin siya sa mga nag-aalitang pamilya ng lungsod.

Noong nabubuhay pa, sinasabing nagkaroon si Nicolas ng maraming pangitain ni Maria, mga anghel at mga imahen ng Purgatoryo. Naging sentro ng kanyang espiritwalidad ang debosyon sa mga kaluluwa sa Purgatoryo. Dahil dito, nang maging santo, iprinoklama siyang Pintakasi ng Kaluluwa noong 1884 ni Pope Leo XIII.

Hanggang sa mga huling araw ng kanyang buhay, sa gitna ng karamdaman, patuloy na nag-alay siya ng mga sakripisyo katulad ng kanyang nakagawian. Pumanaw ang banal na monghe noong Setyembre 10, 1305. Nawa tularan natin ang kawanggawa ni San Nicolas sa mga dukha at maysakit ngayong panahon ng pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.