Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kawatan buking sa GPS ng ninenok na cellphone

0 225

Natunton ng awtoridad ang kinaroroonan ng magnanakaw na nanloob sa isang bahay sa Mandurriao, Iloilo City nang dahil sa GPS ng ninakaw niyang cellphone.

Madaling-araw ng Linggo nang pasukin umano ng suspek ang apartment sa Lopez Subdivision. Nataon na nag-iisa lang ang babaeng biktima, at wala noong mga oras na iyon ang kanyang kinakasama.

Nang maalimpungatan ang babae, tinutukan siya ng baril, piniringan ang mata at tinali ang dalawang kamay sa likod. Doon na kinuha ng suspek ang mahahalagang gamit ng biktima, kabilang ang smartphone na nagkakahalagang P70,000, P30,000 na laptop, speaker, ATM card at P3,000 cash.

Habang palabas ay nakasalubong ng suspek ang kinakasama ng biktima, pero tinutukan niya rin ito saka kinuha ang cellphone.

Sa ginawang follow-up operation, naaresto ang suspek nang makuha ang kanyang lokasyon dahil sa GPS ng cellphone ng biktima.

Nakuha ang mga ninakaw na gamit, maliban sa pera. Nakumpiska rin sa suspek ang .38 caliber at .22 caliber revolver.

Napag-alamang nagtatrabaho bilang isang security guard ang suspek na hawak na ng mga awtoridad at nakatakdang sampahan ng kasong robbery. (Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.