Abante Tonite Interactive

Kaway-kaway ni heneral

0 244

Nitong nakaraang linggo, pinasok at tinangkang manggulo ni Maj. Gen. Antonio Parlade, Jr. sa forum ng Movement Against Tyranny at National Union of People’s Lawyers na may paksang “Weaponizing the Law, Criminalizing Dissent.”

Si Parlade ang ka­salukuyang Armed Forces of the Philippines Deputy Chief of Staff for Civil-Military Operations at isa sa mga tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Sinalaksak niya ang kanyang sarili sa isang forum tungkol at para sa mga biktima ng panunupil sa ilclim ng administrasyong Duterte, bagaman siya man din ang
pinakamaingay na promotor ng red-tagging, pagpapatahimik, at pandarahas sa mga aktibista, human rights defenders, at kritiko ng administrasyon. Bitbit pa ang kanyang mga bodyguard na pulis na pumalibot sa ­Quezon City Sports Club, kung saan ginanap ang ­forum.

Nang tumindig si Parlade at ­pumuwesto sa harapan upang magsalita, pinaalis siya ni Dr. Carol Araullo, isa sa mga ­organizer ng ­forum, upang makapagpatuloy ang programa at makapagpahayag nang malaya at walang takot ang mga dumalo. Malinaw na inilatag ni Araullo ang batayan: ginagamit na ni Parlade ang buong makinarya ng ­gobyerno bilang plataporma para ipalaganap ang kanyang mga kasinu­ngalingan at paninira laban sa mga ligal at demokratikong grupo at indibidwal, kaya hindi siya pahihintulutang gamitin ang forum bilang kanyang entablado. Sa gitna ng mga “boo” at chanting ng “Makibaka, huwag matakot!” mula sa audience, ngumiti at kumaway muna si Parlade na wari’y artista o beauty queen, bago umalis. (May “rockstar complex” ang mama.)

Sa mga pahayag ni Parlade matapos ang insidente, sinikap niyang isalarawan ang sarili bilang biktima. Itinaboy raw ng mga tagapagtanggol umano ng karapatang pantao ang isang naghahangad lamang ng dayalogo. Ayaw daw iparinig ang katotohanang taglay niya.

Kapansin-pansin na nag-gate crash siya sa forum nang naka-bihis sibilyan. Bakit hindi niya sinuot ang kanyang makisig na uniporme na may mga estrelya sa balikat? Dahil alam niyang mapatatampok nito ang tunay na kabuluhan ng kanyang pagdalo: hindi upang makipagdayalogo kundi bilang isa sa mga pinakamakapangyarihang opisyal ng sandatahang lakas at sugo ng administrasyon na responsable sa pananakot, pagpapakulong batay sa tanim na ebidensya at gawa-gawang kaso, pagdakip, at extra-judicial killing ng mga mamamayang tulad ng kaharap niya, na binansagan nilang “terorista.”

Natumbok ni Atty. Edre Olalia. Inihalintulad niya ang pagpupumilit ni Parlade na makapagsalita sa forum sa panghihimasok ng isang rapist sa pagtitipon ng mga biktima ng karahasang sekswal. Wasto at kapuri-puri ang pagtaboy kay Gen. Parlade at sa pagbigo sa tangka niyang pagkaitan ng boses ang mamamayang lumalaban.