Abante Tonite Interactive

Kawhi Leonard isang kayamanan

514

Kahit kasalukuyang hawak ang 3-2 lead sa 73rd NBA Eastern Conference finals, walang kasiguruhan sa hinaharap ang Toronto Raptors, kaya ginagawa nito ang lahat upang manatili si Kawhi Leonard sa kanilang koponan.

Lumabas sa aking nakaraang kolum ang espekulasyon na nangunguna kay Leonard ang Clippers o Lakers dahil ang kanyang hometown ay Los Angeles.

Kaya ngayon pa lang ay gumagawa na ng aksiyon ang Toronto. Ilang resto sa Toronto ang nagpaskil ng sticker na may tatak na #KawineAndDine sa kanilang mga bintana o pintuan. Ibig sabihin ay libre ang pagkain ni Leonard dito habang buhay kung siya ay mananatili sa Raptors.

Ang mga cab din diumano ay nakisali na rin sa movement na ito sa paglalagay din ng sticker na magbibigay kay Leonard ng libreng sakay.

Isa pa sa nagpapatindi ay ang alok ni Simon Mass, ang CEO ng Condo Store Reality. Handa umano itong regaluhan si Leonard ng multi-million dollar na penthouse, na may pagkakataon pang pumili kung ano ang gusto niyang penthouse, kung ito ay mananatili sa team.

Mararamdaman mo ang pagpapahalaga ng Toronto kay Leonard. Siguradong mahirap tanggihan ang ganitong mga oportunidad. Sana all!
***

Masaklap na pagkatalo ang sinapit ng Philadelphia 76ers sa Eastern Conference semifinals sa kamay ng Raptors, na pinamunuan ni Leonard, ang pumukol ng kauna-unahang game-winning buzzer beater sa Game 7 sa 2018-19 NBA.

Agad ngang umugong ang balitang maaaring ialok ng Sixers si Ben Simmons kapalit ni Los Angeles Lakers LeBron James, ayon kay NBA insider Tom Haberstroh.

Maaalalang niligawan din ng Sixers si James noong nagdaang season, at ngayon’y may espekulasyon na sinasabing may malalapit kay Lakers owner Jeanie Buss ang nag-uudyok dito upang i-trade si James.

Posible ang trade dahil si James ay may no-trade clause, kung saan ‘di maaaring ma-trade ang player sa ibang koponan nang wala nitong pahintulot. Kung gugustuhin man umalis ni James at makapag-deal ang dalawang koponan ay maaari itong matuloy.
***
Tapos pabagsakin ng Milwaukee Bucks, mas bukas na ang pinto ngayon ni Kyrie Irving na iwan ang Boston Celtics at isa ang Los Angeles Lakers sa posibleng destinasyon.

Kung ‘di nga aalis si James ay muli silang magtatambal ni Irving. Lumayas si Irving sa Cleveland Cavaliers dahil ayaw nitong maglaro sa anino lang ni James.

Noong Enero ay magugunitang umamin si Irving na tumawag ito kay James upang humingi ng paumanhin sa kanyang ginawa at namulat na ‘di madali ang bumalikat ng isang koponan.

Nasa kalagitnaan pa lamang ng 73rd season ay tinanong na si Irving kung magre-resign pa ba ito sa Celtics, na sinagot nito ng “Ask me July 1st!”
Irving-James reunited? Puwede!
***

Kung kayo po ay mayroong reaksiyon o nais itanong, mag-email lamang sa alecpaolo2016@gmail.com. Patuloy niyo rin pong suportahan ang online show ng Abante, ang Sportalakan, tuwing Martes alas-sais nang gabi sa Abante News Online. Maraming salamat po!