Abante Tonite Interactive

Kaya kung gugustuhin

0 267

Kaya naman palang matapos agad ang pagtalakay at pagdinig sa pambansang budget kung gugustuhin ng mga mambabatas.

Nagawa ito ng mga kongresista sa ilalim ng liderato ngayon ni House Speaker Alan Peter Cayetano. Sa loob lamang ng ilang araw ay tinapos ng House Appropriations Committee ang pagdinig sa pambansang budget.

Record breaker ito sa Kamara at ipinakita lamang ng mga kongresista na sumusunod sa kanilang lider na si Speaker Cayetano na naunang nangakong tatapusin nila nang maaga ang budget hearings.

Abot-abot tuloy ang pasasalamat ni Cong. Isidro Ungab, chairman ng House appropriations committee, sa kanyang mga kapwa kongresista gayundin sa mga kalihim at pinuno ng mga departamento ng gobyerno at mga ahensya na nagbigay ng kanilang kooperasyon.

At hindi puwedeng sabihing hokus-pokus ang ginawa ng mga kongresista dahil nagbigay sila ng commitment na walang makakalusot na pork barrel at maanomalyang mga insertions sa budget.

Dahil rito, umpisa na sa Martes, Setyembre 10, ang floor deliberations sa pambansang budget. Target ng Kamara na mapagtibay ang panukalang budget bago ang October 4. At sa takbo ng mga pangyayari, hindi ito malabo.

Napatunayan lamang natin na kung magaling ang tagapagtimon, hindi kailangang abutin nang siyam-siyam ang budget deliberations. Kapag magaling ang lider, hindi mahirap para sa mga tagasunod ang magtrabaho!

***

Kumusta naman kaya ang lagay ng mga local government units na inatasan ng DILG na linisin ang mga nasasakupan para matuldukan na ang problema sa trapiko.

60 araw ang ibinigay na palugit ng DILG sa mga LGUs para linisin sa sagabal ang kanilang mga lugar.

Pero kahit wala pang deadline na dapat ay sa Setyembre 29 pa may mga LGUs na ang pasado at naalis na ang mga obstruction sa kanilang mga nasasakupan.

Kabilang dito ang Marikina, Pasay, Navotas, Malabon, Valenzuela, San Juan at Pateros.

Ang tanong kumusta naman kaya ang Quezon City, Maynila , Mandaluyong, at Makati? Ano na ang kanilang estado?

Nabanggit ko ito dahil tila walang magawa ang pamahalaang lungsod ng QC sa paglinis sa mga pangunahing kalsada partikular sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at Quirino Highway.

Baka hindi niyo nakikita, parang malaking paradahan ang nasabing mga kalsada ng mga bus, diyan kaya ang dating ma-trapik at may teribleng pagsisikip nang daloy ng trapiko ang nangyayari.

Mukhang hindi kaya ng local government ng QC ang problemang ito, ang MMDA kaya baka naman kayanin ninyo dahil mas seryoso kayo sa kampanya kaysa sa mga bataan ni Mayor Joy Belmonte.