Abante Tonite Interactive

Kayang-kayang gampanan ni Sec. Harry Roque

By
464

Mainit pa ring isyu ang sinasabing pang­ha-harass ng ilang Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal at sa gitna ng isyung ito, madalas nababanggit ang pangalan ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Mismong si Roque kasi ang nagharap sa ilang mangingisda sa isang press briefing sa Malacañang para ma­talakay kung ano talaga ang dinaranas ng mga mangingisdang Pinoy sa pinag-aagawang teritoryo.

Si Roque ay kasama sa mga inilutang na pangalan ng mga posibleng tatakbo sa 2019 senatorial race. Binigyan na siya ng basbas ng kanyang dating mga kasama­han sa Kongreso — ang Kabayan Party-list. May mga nag-iisip na ginagamit ni Roque ang isyu ng binubuling mangi­ngisda para painitin ang kanyang pangalan para sa kanyang kandidatura sa 2019.

Abante Hiring – IT dep

Pero mismong si Roque rin ang nagsabing hindi naman itinuturing na harassment ang sitwasyon bagama’t tiniyak nitong hindi dapat palagpasin ang ginagawa ng ilang Intsik sa mga kababayan natin.

Bilang abogado na nakilala sa kanyang adbokasiyang pagtatanggol sa mga inaaping Pilipino, dapat na ipaglaban ni Roque ang mga ma­ngingisdang ito. Pero bilang isang tagapagsalita ng Palasyo, hindi naman puwedeng todo-todong sulsulan ni Roque ang mga mangingisda at ipagsigawang binu-bully sila ng mga Intsik lalo na at malinaw ang posisyon ng Duterte administration na hindi tayo lalaban sa China.

Pero bago natin husgahan si Roque, sino nga ba siya bago na­ging spokesperson ni Duterte?

Si Roque ang nag-abogado sa pamilya ng mga taga-media na minasaker sa Maguindanao. Siya rin ang nag-abogado kay Jennifer Laude para ma-convict ang Amerikanong sundalong pumatay kay Jennifer.

At bilang kongresista, kabilang sa mga mahalagang isinulong ni Roque ang libreng tuition sa mga estu­dyante ng state universities and colleges (SUCs) at ang pagbibigay ng libreng gamot at pagpapagamot sa lahat ng mamamayan.

Kung ating titingnan itong isyu sa mga nabubuling mangingisda, malinaw na naiipit sa gitna si Roque.

Hindi dahil sa 2019 senatorial race kundi dahil nagkakabanggaan ang kanyang adbokasiyang ipaglaban ang mga binubuling mangingisda at ang kanyang tungkulin bilang isa sa mga opisyales ng administrasyong Duterte.

Gayunpaman ay nagagampanang lahat ni Roque ang kanyang papel na isang indikasyon na kayang-kaya niyang gampanan anuman ang iatang sa kanyang balikat.Kabilang kaya rito ang kanyang magiging papel sa Senado?