Abante Tonite Interactive

Keanna idinemanda ng cyber libel

By
994

Idinemanda na ng kasong cyber libel nu’ng Aug. 10 ang sexy actress na si Keanna Reeves. Ang nagreklamo ay si Nancy Dimaranan, may-ari ng Comikera Comedy Food Park. Kasama ang mga abogado niyang sina Atty. Ronalin B. Alonzo at Samuel Adams C. Samuela, isinampa ang reklamo sa MTC sa Calamba, Laguna. Dala ni Nancy ang certification mula sa PNP Anti-Cyber Crime Group.

Nag-ugat ang usapin nang lasing umano na nag-FB live si Keanna at pagmumurahin si Nancy. “Madaling araw, 3:45, sabi ng staff ko si Keanna nag-live video at pinagmumura ako. Nagulat ang lahat lasing na lasing at nagpapaudyok sa mga baklang kasama niya. Bukod pa roon, sabi niya, ‘Ibuking kita sa asawa mo na bakla ka!’” esplika ni Nancy.

“Kagagaling ko sa palengke, around 2:30 am, ibinigay na TF nina Keanna at Tuod, siyempre tulad sa ibang artists ay may food and drinks compliments na ibinigay sa kanila. Humingi pa siya sa akin ng pang-Grab na P1,500 kahit di kasama sa usapan, kasi sa pakikisama ko sa kanila. Pinipilit niya ako na ihatid daw sila sa Quezon City or kahit Alabang, pero pagod na ako, wala naman akong driver, eh.

“Tapos sinasabi niya na walang Grab sa Biñan. May Grab po sa Biñan wag niya sabihin na liblib na province ito, kasi po city ang Biñan. Baka magalit sa kanya ang mga taga-rito na sinasabi niyang liblib ang Biñan. Pangalawa, nabigyan na sila ng pang Grab, it will be unfair kung ihahatid ko sila. May Grab po sa Biñan, di lang sila naghintay kasi po naulan noon, pero may mga customer kami na pini-pick up sila ng Grab,” saad ni Nancy.

May voucher na pinirmanhan si Keanna na halagang P9,500 na nagpapatunay na binigyan niya ito ng pang-Grab, bukod pa sa TF nila ni Tuod. Ang manager ng bar na si Rodante Carlos Buton ang nag-abot sa kanila ng pera.

Patuloy na kuwento pa ni Nancy, “May mga death threat din siya sa akin na papatayin niya ako… hindi secret na eight years kami together ng partner ko, isa siyang British lawyer na si Nick Carnel at alam niya na-transgender ako.

“Kaya nang sabihin ni Keanna na trans ako, ‘yung mga classmates, pa­rents and teacher sa school ng mga anak ko ay nagulat at till now, binu-bully sila na bakla mommy nila. Hanggang pati ang bunso ko ay stress na ngayon at ayaw pumasok sa school.

“Hindi na maibabalik ang sinira niyang buhay kong maayos at tahimik. Gusto ko’y mag-public apology siya at batas na ang maghusga ayon sa kanyang pagkakamali. Hindi ko kailangan ang pera niya, kung may pera na ibabayad siya, i-donate ko iyon sa orphanage, Home for the Golden Gays at Home for the Aged.”

“I’m very much thankful sa LGBT support na, no to discrimanations dahil di nila alam ang tinatahak na­ming buhay na mga trans para makabuo ng maayos na pamilya,” dagdag pa ni Nancy patungkol kina Paula Caceres at sa grupo niya na sumuporta sa kanya sa insidenteng ito. Si Caceres ay member ng HK Transgender Migrants Workers Organization.

Sa panig ni Keanna, nagsimula raw ang problema matapos ang show niya sa naturang come­dy bar last July 14, walang kotse si Keanna kaya nahirapan silang umuwi kasama ng komedyanteng si Tuod.

“Dumating siya at nag-instruct pa sa amin na sumakay kami ng tricycle, pagkatapos sumakay kami ng jeep papuntang Alabang, marami na raw taxi roon.

“Sabi ko, nandoon iyong sasakyan ng may-ari, naka-hazard, hindi raw niya kami maihahatid kasi puno ang sasakyan niya at nagpapahinga siya sa loob. E, ulan nang ulan iyon, eh ‘di nag-abang kami ng tricycle, pero galit na ako noon, kasi parang hindi ako artista, parang binabastos ako ng taong ito.

“Kahit sa sakayan man lang, ihatid niya ako, eh, liblib iyon eh, tatlo kami… so may dumaan sa amin na naka-kotse, isinakay kami at ihinatid kami. Iniisip ko, paano kung mga rapist ito or holdapin kami rito or patayin kami. Mga staff pala sila ng 7-11 San Antonio, kung wala sila, magmukha kaming kawawa talaga. For 14 years ko sa showbiz, ngayon lang ako nabastos nang ganito,” saad ni Keanna.