Abante Tonite Interactive

Keep it clean, no to Trash-lacion

347

Taon-taong hindi mahulugang karayom ang maraming kalye sa Maynila tuwing Janu­ary 9 dahil sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Poong Nazareno.

Kung ilarawan nga, mistulang dagat ng mga tao ang mga debotong namamanata at sumasama sa prusisyon ng Black Nazarene o mas kilala sa tawag na ‘Traslacion.’

Dahil dagsa ang mga mananampalataya, hindi rin naiiwasan ang sangkaterbang basura pagkatapos ng prusisyon na madalas inaabot ng mahigit isang araw.

Kaya muling nagpapaalala ang environmental group na ‘EcoWaste Coalition’ sa mga deboto na iwasan at bawasan ang paglikha at pagkakalat ng basura sa taunang paggunita sa Traslacion.

Malinis na Traslacion ang panawagan ng grupo at hindi Trash-lacion.

Tungo sa isang debos­yon na magalang at mapagkalinga sa kapwa at sa Inang Kalikasan, hinihimok ng EcoWaste Coalition ang publiko na:
– Sundin ang patakarang ‘no littering, no smoking’ sa mga pampublikong lugar.

– Iwasan ang paninigarilyo at pagtatapon ng upos.

– Huwag magtapon ng kung ano-ano habang isinasagawa ang Traslacion. Ilagay sa tamang lalagyan ang mga basura at huwag na lang basta iwanan sa gutter, bangketa o sa mga plant box.

– Imbes itapon kung saan-saan, ibalik sa mga vendor ang mga nagamit na lalagyan ng inumin at pagkain, stick at mga tirang pagkain.

– Huwag dumura at umihi sa mga pampublikong lugar.

Nanawagan din ang EcoWaste Coalition sa mga may magandang-loob na kung mamimigay ng tubig o pagkain sa mga deboto, mainam kung ilagay ito sa mga reusable na lalagyan, at hindi sa single-use plastic o styrofoam na siguradong dagdag-basura.

Huwag din sanang gamitin ng mga politikong pumoposisyon sa midterm elections ang Traslacion para sa premature campaig­ning.

Karaniwang nakabalandra ang mukha ng mga kakandidato sa mga tarpaulin at mga polyeto na dagdag-basura lang din.

Ang sa akin lang, kaakibat din ng debos­yon sa Black Nazarene ang responsibilidad na maging makakalikasan at makatao. Panatilihing malinis ang kapaligiran. Dahil ang basurang hahayaan na lang sa daan, posible pang pagmulan ng aksidente o ikapahamak ng iba.