Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kelot nabundol na, kinaladkad pa

0 106

Kalunos-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos na mabundol ng isang SUV at pagkatapos tumilapon ay nakaladkad naman ng isa pang AUV sa Lucena City diversion road, Lunes.

Batay sa report ng Lucena City police, papatawid ang biktima sa highway sa Brgy. Domoit bandang alas-11:00 ng gabi nang mabundol siya ng Ford Ranger pick-up na minamaneho ni Edward Enriquez, negosyante, taga-Biñan, Laguna.

Matapos bumagsak sa kalsada, nasagasaan naman ang biktima ng isang Mitsubishi Adventure na minamaneho ni Rumar Bantillo, taga-Novaliches, Quezon City na noon ay patungo sa direksiyon ng Pagbilao.

Wala itong kamalay-malay na nakaladkad niya nang nasa isang kilometro at kalahati mula sa lugar ng aksidente ang biktima na nakasabit sa ilalim ng kanyang sasakyan.

Tumigil lamang siya nang habulin at abutan ng isang motorista na nakasaksi sa pangyayari.

Isinugod pa sa ospital ang biktima na nagtamo ng mga grabeng pinsala sa ulo at buong katawan subalit idineklara nang patay ng doktor.

Naaresto naman ng mga pulis ang dalawang nakasagasang driver. (Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.