Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kelot nag-amok, binugbog ng mga residente

0 50

Bugbog-sarado ang 30-anyos na lalaki makaraang mag-amok at pagtatagain umano ng hawak na bolo ang mga taong nasasalubong kung saan apat ang sugatan, kabilang ang isang matandang lalaki na dating opisyal sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City, Biyernes ng madaling-araw.

Isa sa mga biktimang si Nestor Del Rosario, 65, may asawa, ex-o at residente ng Brgy. Pasong Tamo, ay patuloy na inoobserbahan sa ospital dahil sa tinamong taga sa likuran ng ulo.

Nagtamo naman ng mga sugat sa katawan ang biktima na si Ellizer Rivera, food delivery rider, at dalawang lalaking nagbibisikleta na hindi na pinangalanan ng awtoridad.

Ang suspek na si Santiago Navarro Domdom, 30, walang asawa at trabaho, tubong Dumaguete City at naninirahan sa Garden Zigzag, Brgy. Balara, Pansol, Q.C. ay naaresto nang makorner at pagtulungang bugbugin ng taumbayan. Nakumpiska umano sa kanya ang bolo na may habang 17 pulgada at ginamit sa pananaga.

Sa report, bandang ala-1:30 kahapon ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Philand Drive, Brgy. Pasong Tamo, Q.C.

Ayon sa tanod na si Joselito Dayro, armado ng bolo at nag-amok ang suspek dahilan upang magkaroon ng tensiyon sa kanilang barangay at upang mapigilan ang huli ay pinagbabato ito ng mga residente.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Pero nakatakbo si Domdom at unang nasalubong si Rivera na nagulat nang bigla siyang hatawin ng bolo sa katawan pero agad umano itong nakaiwas kaya nadaplisan lamang.

Sumunod namang nasalubong ng suspek ang dalawang siklista na hinataw din ng bolo pero bahagya ring nakailag at mabilis na pinedal ang kanilang bisikleta.

Ang dating opisyal na bagama’t matanda na ay walang takot na nilapitan ang suspek upang pakalmahin pero bigla rin siyang tinaga sa likuran ng ulo.

Dahil dito ay nagtulong-tulong ang mga tanod at taumbayan sa barangay na mapigilan ang pagwawala ng suspek hanggang sa makuyog ito.

Nang makuyog, sinabi ni Domdom na tingin niya sa lahat ng nakakasalubong niya ay mga kalaban kaya nagawa niyang tagain ang mga ito.

Nakapiit na ang suspek at inihahanda na ang kasong frustrated murder na isasampa laban sa kanya. (Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.