Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kenkoy sa LTO

0 94

Hindi magtataka ang kurimaw natin pangarap na maging traffic enforcer kung maging special mention sa isang televised briefing ni President Mayor Digong Duterte ang isang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) na pangarap yatang maging stand-up comedian.

Pero bago ‘yan mga tropapips, kailangan pa rin sanayan ng marami nating kababayan ang mag-diet para makatipid sa gastusin sa pagkain dahil baka lalo pang magmahal ang mga bilihin.

Sa pinakabagong datos kasi ng Philippine Statistics Authority, umarangkada sa 4.2 percent ang inflation o bilis ng paggalaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo nitong Enero.

Ito na ang pinakamataas simula noong Pebrero 2019. At mas mataas pa sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas na inasahan lang na maglalaro sa 3.2 hanggang 4.1 percent.

Noong nakaraang Disyembre 3.5 percent lang ang inflation kaya ramdam ang pagmahal ng mga bilihin lalo na sa baboy at gulay. Ang isang naiisip ng solusyon ng gobyerno para mapabagal ang inflation sa susunod na dalawang buwan, magpatupad ng cap o limit sa presyo ng karne at manok.
Sa lahat ng “pagmamahal” ito ang ayaw ng mga tao.

Nabanggit na rin lang natin ang pagmamahal, napapaisip ang kurimaw natin kung kasama raw kaya ang komedyanteng si Mahal at iba pang katulad niyang bulinggit kung kailangan din nilang gumamit ng “child seat” sa kotse sa ilalim ng bagong batas na Child Safety in Motor Vehicle Act.

Related Posts

Ang mga edad na 12-anyos pababa at hindi hihigit sa 4’11 ang taas ang dapat na gumamit ng child seat. May binabanggit na bigat pero hindi pa natin alam kung ilan. Kung edad, lusot na si Mahal, pero sa tangkad, aba’y ang dami yatang kababayan natin na hindi kataasan dahil na rin sa lahi ng mga Pinoy.

Maaaring joke ang tanong ng kurimaw natin pero okey lang ‘yon dahil hindi naman siya opisyal ng gobyerno. Pero kung opisyal ka ng LTO na magpapatupad sa naturang bagong batas, aba’y mukhang sablay ‘yon gaya ng ginawa ni LTO Director Clarence Guinto.

Matino naman kasi ang tanong kay Guinto kung papaano ang mga batang wala pang 12-anyos pero higit 4’11 na ang taas kung dapat pa ba silang mga child seat dahil tatama nga naman ang ulo nila sa kisame ng sasakyan.

Sagot ni Guinto, bumili na lang ng mas malaking sasakyan; sa halip na banggitin niya na may limit naman sa tangkad na nakasaad sa batas. Iyon eh kung alam niya ang laman ng batas na ipatutupad nila.

Humingi na ng paumanhin si Guinto sa sablay na sagot matapos ulanin ng batikos.
Pero ngayon, malamang na maraming motorista na naman ang mapakamot sa “B” as in batok, sa sinabi ni Guinto tungkol sa bagong patakaran ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), na dapat magsuot ng face mask ang mga magkakamag-anak sa loob ng sasakyan.

Sabi kasi ni Guinto sa isang panayam sa radyo, kung driver ka at walang face mask ang mga kasama mo sa loob ng sasakyan kahit pa kamag-anak, aba’y katumbas daw iyon ng “reckless driving.” Malamang ang tanong ng marami, joke din ba ‘yon sir? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.