Abante Tonite Interactive

Kennon Road sarado sa gumuhong mga bato

261

Dahil sa naranasang pagguho ng lupa, muling isi­nara noong Linggo ang Kennon Road para sa mga motorista at residente ng Camp 5, Tuba, Benguet, ayon sa Tuba Municipal Police Station (TMPS).

Ayon kay TMPS commander P/Maj. James Acod, nagsimula na ang clearing operation ng Department of Public Works and Highways-Cordillera (DPWH-Cor) at ng Kennon Road Task Force (KRTF) mula noong Linggo.

Sinabi ni Acob na ang pagkahulog ng mga bato sa kalsada partikular sa Camp 5, Tuba, Benguet ang dahilan kaya hindi madaanan ang kalsada.

Nagkaroon naman ng emergency meeting ang DPWH-Cor at KRTF at iba pang ahensiya upang mapag-usapan ang kalagayan ng Kennon Road.

Dagdag pa ng opisyal, kailangang dumaan muna ang mga residente ng Camp 5, 4, 2, Twin Peaks at Camp 1 sa Marcos Highway dahil hindi madaanan ang Kennon Road sa kasalukuyan.

Ayon pa kay Acod, matatagalan ang paglilinis sa kalsada dahil sa malaking epekto ng pagguho ngunit tiniyak niya na gagawin lahat ng DPWH-Cor at KRTF upang mas maaga itong mabuksan sa mga motorista at publiko. (Allan Bergonia)