Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ketogenic diet, OK ba sa’yo?

0 75

Maraming food diets na ang nagsisilabasan na ang layunin ay matulungan ang isang taong makapagbawas ng timbang. Pero siyempre, dapat ding hindi ito makakasama sa kalusugan.

Isa sa mga popular ngayon ang Ketogenic Diet o mas kilala bilang Keto Diet na mababa sa carbohydrates pero mataas ang good fat.

Ang katawan natin ay talagang nagbubuo ng ketones sa atay, mula sa mga taba sa ating kinain, kapag mababa naman ang glucose o sugar sa katawan. Ang ketones o ketoacids ang nagiging alternatibong “gasolina” ng ating katawan para mayroon tayong enerhiya.

Kapag kaunti lang ang carbohydrates sa ating kinakain, ang atay natin ang nagta-trabaho para makalikha ng ketones. Kadalasan na ginagawa ito ng atay kapag sumobra ang ehersisyo o pagta-trabaho ng kumikilos ng isang tao, o kapag nagfa-fasting ito o nagpapakagutom o talagang walang choice kung hindi huwag kumain dahil walang pangkain.

Ang Ketogenic Diet ay matagal nang ginagamit. Taong 1924 nang idevelop ito ni Dr. Russell Wilder sa Mayo Clinic.

Ayon kay Dr. Edwin Bien, isang Integrative Medicine doctor, sinubukan ng isang ama ang Ketogenic Diet sa kanyang anak na may epilepsy. Si Charlie Abrahams ay madalas na nagse-seizure o nangingisay simula pa nang ito ay isang taong gulang. Ang ama niyang si Jim ang bumuo ng special ketogenic diet sa kanyang anak na may 80% ng taba, 15% ng protina, at 5% ng carbohydrates.

Naoperahan kasi sa utak ang kanyang anak noong 2 taong gulang pa lamang dahil sa seizures na umaabot ng 40 beses isang araw. Hindi umepekto ang operasyon at ang gamot na phenobarbital kay Charlie.

Kaya ang ginawa ng ama ni Charlie, binigyan ng ketogenic diet ang kanyang anak. Isang linggo pa lang ang keto diet ng bata, nabawasan na ang seizure attack nito. Makalipas naman ang isang buwan, hindi na niya kinailangan ang kanyang mga gamot sa epilepsy.

Sinabi ni Dr. Bien na umepekto ang keto diet sa bata dahil tumaas ang ketones nito sa katawan, at pumasok sa estado ng ketosis na nakatulong para mabawasan ang pangingisay nito. Nagbigay rin ng enerhiya sa utak ang ketones.

Rekomendado rin ni Dr, Bien ang keto diet para sa may diabetes para matanggal ang mga sobrang taba sa katawan at mag-improve ang insulin sensitivity ng katawan. Para naman sa mga may sakit sa puso, maaari ring makatulong ang keto diet dahil nakakapagpababa ito ng taba at masamang kolesterol, pati na ang presyon ng dugo. Para naman sa may kanser, nakakapagpabagal ng paglaki ng tumor ang keto diet dahil nagugutom ang cancer cells. Kung babae ka at may polycystic ovarian syndrome, makakatulong din ang keto diet.

Pero hindi lahat ng fats ay ginagamit sa keto diet. Mas mainam ang olive oil, fish oil tulad ng salmon oil, butter at canola oil na gamitin sa pangluto para sa ketosis.

Bawasan din ang pagkain ng carbohydrates. Limitahan ito sa 20 – 50 grams sa bawat araw. Limitahan din ang pagkain o pag-inom ng ma-asukal o matatamis, pagkaing may arina, at limitahan din ang prutas na matatamis tulad ng mansanas, saging at oranges, gayundin ang mga gulay tulad ng patatas, yam o ube at carrots. Bawal din ang nakakalasing na inumin, at maging ang distilled at sugary water.

Mas maraming red meat, matatabang isda tulad ng salmon, tuna at mackerel, mas mainam para sa nagke-keto diet. Ang butter at cheese, mani tulad ng almonds, walnut, macadamia at flax seeds ay tamang-tama rin sa nagki-keto. Gayundin, ang gagamiting mantika ay ang nagmula sa avocado, coconut at olive oil. Tama rin sa keto diet ang berries, avocado, nilagang itlog, at mas maraming magnesium, potassium at protina. Sa tubig naman, mas ok ang alkaline o mineral water.

Nagbabala lang si Dr. Bien na makakapanghina ang ketosis. Maaari ring makaranas ng pananakit ng ulo at tila magkakalagnat. Ang mga diabetics din ay kailangang mag-ingat dahil ang ketoacidosis ay maaaring magpa-acidic sa dugo ng mga ito kapag nasobrahan sa keto diet. Kung nagke-keto diet ang may diabetes, kailangang lagi itong umiinom ng tubig at inaalagaan ang immune system.

Leave A Reply

Your email address will not be published.