Abante Tonite Interactive

Kidnap victim nakaposas na sinalvage

377

Posibleng dinukot sa Lipa City ang isang miyembro ng ‘Bahala na Gang’ at saka pinagbabaril ng dalawang kalalakihan na sakay ng itim na SUV habang nakaposas ang bihag sa Barangay Socorro sa Cubao, Quezon City, nitong Miyerkoles ng madaling-araw.

Ang biktima ay nakilala sa pamamagitan ng kanyang TIN ID na si Edwin Gardiola, 36, taga-Laurel St., Lipa City, may taas na 5’4”, naka-camouflage shirt at pants, may mga tatoo ng ‘Bahala na Gang, Kalbo, Mayor, Ina Ko at Ama Ko.’

Sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Alexiss Mace Jurado, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ala-1:40 ng madaling-araw (February 12) nang matagpuan ang bangkay ng biktima na tadtad ng tama ng ‘di pa batid na kalibre ng baril sa madilim na bahagi ng 7th at Li­berty Ave., sa Brgy. Socorro, QC.

Sa pahayag ng nakasaksing tricycle driver, napansin niya ang duguang nakabulagtang lalaki na nakaposas ang magkabilang kamay kaya agad niya itong ini-report sa pulisya.

Ayon naman sa barangay tanod na si Jericho Legaspi, nakunan ng CCTV ang pamamaril sa biktima ng dalawang kalalakihan na sakay ng itim na SUV na hindi naplakahan.

“Huminto ‘yung SUV tapos bumaba ang isang lalaki tapos sumunod na bumaba ang dalawa pang lalaki at isa doon ang pinagbabaril saka iniwanan nang matiyak na patay na,” anang tanod.

Masusi namang iniimbestigahan ng pulisya ang naganap na pamamaril. (Dolly B. Cabreza)