Abante Tonite Interactive

Kiko bulag at bingi sa mga nagawa ng administrasyon – Palasyo

587

Tinawag ng Malacañang na bulag at bingi si Senador Francis Pangilinan matapos sabihing diversionary tactics lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paninisi nito kay senatorial candidate Mar Roxas sa pagkamatay ng SAF44 para pagtakpan ang mga kabiguan ng administrasyon pati na ang track records ng mga kandidato ng administrasyon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan si Pangilinan dahil mas malayong ‘di hamak na naungusan ni Pangulong Duterte ang mga nagawa ng kanyang idol na si dating Pangulong Benigno Aquino III.

Mas nangibabaw aniya ang pagiging kawalang-kakayahan ng mga opisyal ng nakalipas na administrasyon, gaya na lamang ng Mamasapano incident, pati na ang kaawa-awang kalagayan ng mga biktima ng Yolanda.

“Senator Francis Pangilinan’s claim of diversionary tactics with regard to the remarks of PRRD on senatorial candidate Mar Roxas and other opposition candidates is noxious nonsense. Like the other critics, he is deaf and mute to the unprecedented survey numbers of the President,”ani Panelo.

Hindi rin aniya maaaring ikumpara sa mga nakalipas na administrasyon ang mga nagawa ni Pangulong Duterte lalo na sa kampanya sa iligal na droga, kriminalidad , korapsiyon at terorismo gayondin ang Build Build Build program nito.

Bukod dito, sinabi ni Panelo na maraming mga naipatupad ang kasalukuyang administrasyon na hindi nagawa ng ibang lider gaya na lamang ng libreng edukasyon, libreng irigasyon para sa mga magsasaka, universal health care at free school feeding program, gayondin ang paniningil ng bilyon bilyong pisong buwis mula sa mga bilyonaryong negosyante na hindi nagawang singilin ng ilang taon, pati na ang pagtaas ng sahod ng mga sundalo at pulis.

Hindi rin aniya matatawaran ang palaging mataas na approval at trust ra­ting ni Pangulong Duterte na patunay lamang na maayos ang pagpapatakbo nito sa gobyerno.

Sinabi ni Panelo na panahon na para gumising sa pag-iilusyon ang senador at mga kasama sa oposisyon at tanggapin ang katotohanang malaki na ang ipinagbago ng bansa. (Aileen Taliping)