Abante Tonite Interactive

Kilabot na holdaper na namayagpag ng 6 na taon, huli ng MPD

Part 1

By
475

Mistulang naging pang­karaniwan na lamang ang mga kaso ng panghoholdap na nagaganap sa iba’t ibang panig ng bansa na ka­ramihan ay kagagawan ng ilang indibidwal na nahuhumaling sa iligal na droga.

Kahit pa maigting ang pagbabantay ng kapulisan at mga opis­yal ng barangay sa mga lugar na palagi ng may nagaganap na panghoholdap, hindi pa rin natitigil ang ganitong uri ng kasamaaan dahil na rin sa mahigpit na pa­ngangailangan ng mga nasasangkot.

Karamihan naman sa mga simpleng kaso ng panghoholdap ay nalulutas naman kaagad ng kapulisan, at napapanagot sa batas ang mga nasasangkot, bagama’t may ilan din namang insidente na madali lang silang nakakalaya dahil na rin sa kawalan ng interes ng mga na­ging biktima na isulong ang paghahain ng kaso lalo na kung naibalik na muli sa kanila ang mga n­akulimbat.

May mga pagkakataon naman na bumubuo na rin ng grupo ang mga sangkot sa panghoholdap upang makatiba sila ng malaking halaga lalo na kung malalaking establisimyento na ang kanilang tinatarget tulad ng mga bangko at malalaking kompanya.

Gayunman, karamihan sa mga malalaking grupo ng mga holdaper ay nalalansag din kalaunan ng kapulisan at napapatay pa ang ilan sa kanila habang natutuluyan namang makasuhan ang iba pa.

Bihira sa grupo ng mga holdaper ang nakakapamayagpag nang mahabang panahon upang ma­pakinabangan ng kanilang pamilya o mahal sa buhay ang kanilang mga nakulimbat na salapi bagama’t may ilan namang ginagamit ang kanilang kakayahan upang makapamuhay ng marangya ang pamilya kapalit ng pagkabulok na nila sa bilangguan.

Sa kaso ng isang kilabot na holdaper na kamakailan lamang nadakip ng mga awtoridad, masasabing matagal din niyang napakinaba­ngan ang salapi at alahas na nakulimbat lalo na’t kadalasan ay mag-isa lamang siyang nagsasagawa ng krimen bagama’t may pagkakataon din naman na kasama niya ang kasabwat sa paggawa nito.

Dating nahalal bilang kagawad ng Barangay 75 sa Ignacio St., sa Lungsod ng Pasay ang ngayon ay 40-anyos nang si Ramon Villareal kaya’t ‘kagawad’ ang naging taguri sa kanya ng mga nakasama niya sa paggawa ng krimen.

Bilang isang itinuturing na lingkod-bayan, hindi nagampanan nang maayos ni Villareal ang kanyang tungkulin at sa halip ay nagamit pa nga niya ang pagiging opisyal ng barangay upang makilala ang mga taong sangkot sa mga iligal na gawain.

Isa sa mga naging malapit na kaibigan ni Villareal noong taong 2013 si Richard Adelan, residente ng Cleanville Compound sa Barangay Manuyo, Las Piñas City kung saan nakaramdam siya ng pagkainggit at pangingimbulo sa bagong kaibigan dahil nakikita niya and estilo ng buhay nito na laging paldo at hindi nawa­walan ng maraming salapi sa bulsa.