Abante Tonite Interactive

Kilabot na holdaper na namayagpag ng 6 taon, huli ng Mpd

Part 3

By
315

Dahil isang dayuhang­ turista ang napaslang, tumulong na rin sa Pasay city police ang mismong ang tanggapan ni Chief Supt. Leonardo Espina, na noon ay tumatayong pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Tiniyak pa ni Gen. Espina sa publiko at sa embahada ng France na kanilang tututukang maigi ang kaso upang mapanagot ang may mga kagagawan at mabigyan ng kaukulang hustisya ang pagkamatay ng dayuhang Pranses.

Sa tulong na rin ng mga nakakabit na close circuit television (CCTV) camera sa lugar na pinangyarihan ng krimen, natuklasan ng mga imbestigador na ang kotseng sinakyan ng dalawang salarin ay nakarehistro sa isang Richard Gamelo ng General Trias, Cavite.

Hindi nag-aksaya ng panahon ang pulisya at sa utos na rin ni Gen. Espina, kaagad na pumunta ang mga pulis sa sinasabing bahay ni Gamelo sa General Trias, Cavite subalit sinabi ng mga kaanak ng lalaki na matagal ng hindi siya rito nakatira at bago umalis ay naibenta na noon pang Disyembre ng taong 2012 ang kanyang sasakyan kay Richard Adelan, ang isa sa mga mi­yembro ng kilabot na Alvin Flores Gang.

Lumabas din sa pagsisiyasat na ang bala ng kalibre .45 na nakuha sa katawan ni Hofman ay tumutugma sa basyo ng kalibre .45 baril na ginamit din ng Alvin Flores Gang sa ginawa nilang panghoholdap sa Robinson’s Metro East sa Pasig City noong taong 2012.

Dahil sa mga matitibay na ebidensiyang nakuha ng pinagsanib na imbestigasyon ng Pasay city police at NCRPO na tutukoy kay Adelan bilang pangunahing suspek sa panghoholdap at pagpatay sa dayuhang Pranses, isinagawa ang pag-TUGIS sa kanya ng kapulisan, pati na ang pagtukoy sa dalawa niyang kasamahan na kalaunan ay natuklasang sina Villareal at Bada.

Bunga na rin ng pag-init ng pangalan ni Villareal sa kanilang barangay sa Ignacio St., Pasay City, ipinasiya nitong lisanin ang kanilang lugar at pansamantalang magtago sa hindi na natukoy na lugar.

Nang mabigo ang kapulisan na mahuli ang mga salarin, ipinasiya nilang isampa na ang kaso sa Pasay City Prosecutors Office, kasama ang mga iprinisintang matibay na ebidensiya na magtuturo sa tatlo na pawang mga sangkot sa naturang krimen.

Noong Nobyembre 14, 2013, naglabas ng warrant of arrest si Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Jesus Mupas ng Branch 112 na nag-aatas sa sinumang officer of the law na dakpin sina Richard Adelan, Sean Bada alyas ‘Tisoy’ at Richard Villareal alyas ‘Kagawad’ sa kasong robbery with homicide.

Ito’y matapos na mabigo ang tatlo na sagutin ang inihaing kaso sa kanila ng pulisya kaya’t madaling nakakita ng ‘probable cause’ ang tagausig para isampa sa korte ang kaso.

Walang piyansang inirekomenda si Judge Mupas na magpapalaya sanang pansamantala sa mga akusado kung sakali silang sumuko o maaresto bunga ng mabigat na kaso ng pagnanakaw at pagpatay sa dayuhang Pranses.