Abante Tonite Interactive

Kilabot na holdaper na namayagpag ng 6 taon, huli ng Mpd

Part 4

By
194

Bunga na rin ng pagkakatuklas sa mga pangalan nina Adelan, Bada at Villareal bilang isang grupong nagsasagawa ng panghoholdap at pagpatay sa lungsod ng Pasay, nagpasiya ang tatlo na maghiwa-hiwalay muna ng kani-kanilang landas sa paniwalang mas madali silang matu-TUGIS ng batas kung patuloy silang magsasama-sama bilang isang grupo.

Dahil malaki rin ang kani-kanilang mga napaghatian sa ilang serye ng ginawa nilang pangungulimbat, nagawa ni Villareal na makapagtago sa kamay ng batas subalit sa halip na magbagong buhay, nagsolo na rin siya ng lakad at nagsagawa ng mga panghoholdap, gamit ang isang kalibre .45 baril.

Dahil malaking bulas at mapagkakamalan pang miyembro ng kapulisan, hindi kaagad matukoy ng mga awtoridad ang kanyang pinaglulunggaan at sa halip ay nagagawa pang mambiktima at makapangholdap ng sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila at Bulacan area.

Noong Setyembre ng taong 2014, muling lumutang ang kaanyuan ni Villareal nang makilala siya ng maraming testigo matapos tutukan ng baril at puwersahang hablutin ang mamahaling cellular phone at makapal na gintong kuwintas ni King Andong Anchera sa kanto ng G. Tuazon at Loreto Street sa Sampaloc, Manila.

Kalalabas pa lamang ng kanilang bahay ni Ancheta, suot ang mamahaling kuwintas nang ma-ispatan siya ni Villareal na noon ay naghahanap na pala ng mabibiktima, gamit ang isang kulay gray na kotseng Nissan na walang nakalagay na plaka.

Dito na natuklasan ni Villareal na mas madaling isagawa ang panghoholdap sa sinumang mga taong malaki ang kumpiyansa na hindi sila mabibiktima kapag halos nasa harapan lamang sila ng kanilang bahay.

Sa dami ng mga iba’t-ibang alahas na dumaan sa kanyang mga kamay, marunong na ring kumilatis si Villareal ng mamahaling ginto kumpara sa mumurahing tanso kaya’t sa unang tingin pa lamang niya ay batid na niya kung kikita siya ng malaki sa taong may suot ng magarbong alahas.

Nang bahagyang lumamig ang kaso ni Villareal sa lungsod ng Pasay, muli siyang nagbalik sa naturang lungsod subalit hindi sa kanilang barangay kundi sa ibang lugar na batid niyang makakahanap siyang muli ng mabibiktima,

Hindi naman nagkamali si Villareal dahil bago sumapit ang taong 2015, solo niyang isinagawa ang panghoholdap sa isang hindi na pinangalanang negosyante na nakuhanan niya ng halos P1 milyong halaga ng alahas at salapi..

Gayunman, dahil may iniwan na rin siyang masamang imahe sa lungsod, hindi naikaila ang kanyang kaanyuan lalu na’t may kopya pa ng close circuit television (CCTV) camera na nakahagip sa kanya habang isinasagawa ang panghoholdap.

Bagama’t hindi nadakip si Villareal, sinampahan pa rin siya ng pulisya ng kasong robbery sa Pasay City Prosecutor’s Office na kalaunan ay naisampa sa sala ni Judge Carolina Icasiano-Sison ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 18 matapos makapag-prisinta ng matibay na ebidensiya ng pulisya.