Abante Tonite Interactive

Kilabot na holdaper na namayagpag ng 6 taon, huli ng Mpd

Part 5

By
202

Noong Enero 21, 2015, naglabas ng warrant of arrest si Judge Icasiano-Sison laban kay Villareal matapos siyang mabigong humarap sa mga pagdinig na isinagawa ng tagausig. Gayunman, sa pagkakataong ito, may inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng P100,000 ang korte para sa pansamantalang paglaya ni Villareal kung sakali at siya’y madakip.

Sa kabila ng patong-patong na kasong kinakaharap ni Villareal, hindi pa rin siya tumigil sa ginagawang krimen at kapag nakakita ng pagkakataon ay muling nagsasagawa ng panghoholdap at panghahablot sa mga nagiging biktima.

Halos ilang araw pa lamang ang nakalilipas nang ilabas ni Judge Sison ang warrant of arrest laban sa kanya sa kasong robbery, muling naka­kita ng pagkakataon si Villareal na manghablot naman ng alahas ng isang ginang sa lungsod pa rin ng Pasay.

Hindi rin isinasa-alang-alang ni Villareal ang tamang oras kung paano niya isasagawa ang krimen dahil kahit umaga at marami ang mga nakakasaksi, walang takot niyang isinasakatuparan ang panghoholdap o panghahablot kaya’t madali siyang nakikilala, hindi lamang ng kanyang mga nagiging biktima kundi ng maraming taong nakakasaksi.

Bagama’t nagagawa niyang takasan ang ginagawang panghoholdap, itinutuloy naman ng kanyang mga nabibiktima ang reklamo lalo na’t malaking halaga ng alahas ang nakukuha sa kanila ni Villareal

Noong Marso 2, 2015, isa pang warrant of arrest ang inilabas ng korte laban sa kanya makaraang mabigong sagutin ang reklamo ng kanyang hinablutan ng makapal at mamahaling alahas.

Sa inilabas na warrant of arrest ni Acting Presiding Judge Gamor Disalo ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 45, inatasan niya si Villareal na maglagak ng piyansang nagkakahalaga ng P100.000 para sa pansamantala niyang paglaya kung sakali at susuko o madarakip ng mga awtoridad.

Mayo 19, 2015 din ng isa pang warrant of arrest sa kaso namang paglabag sa Presidential Decree 1866, R.A 8295 Section 11 ng R.A 9165 o illegal possession of firearms and ammunition ang inilabas ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Jose Morallos ng Branch 44 laban kay Villareal.

Dahil lalo pang uminit ang pangalan ni Villareal sa lungsod ng Pasay, muli siyang nag-alsa balutan para lisanin ang naturang lungsod at minabuting huwag munang humanap doon ng target sa pangambang baka sa naturang siyudad magwakas ang kanyang landas.

Sa ginawang pagsisiyasat ng mga tauhan ni Supt. Arnold Thomas Ibay, ang hepe ng Manila Police District Station 3 na sumusubaybay sa kaso ni Villareal, kanilang natuklasan na namalagi ng pansamantala sa area ng Bulacan ang akusado kung saan dito siya muling humanap ng mabibiktima, kasabuwat ang isa pa.